POSIBLENG bumisita sa susunod na linggo ang Foreign Minister ng South Korea sa Russia upang pag-usapan ang mga isyu na may kaugnayan sa Korean peninsula.
Nakatakdang bumisita sa susunod na linggo si Foreign Minister Chung Eui-Yong sa Russia upang talakayin ang mga isyu na may kaugnayan sa Korean peninsula.
Makikipagpulong si Chung sa kanyang katapat na si Sergey Lavrov sa darating na Miyerkules, ito na ang kauna-unahang pagkakataon na magkikita ang dalawa mula ng dumalaw ang ministro ng Russia sa Seoul noong buwan ng Marso ngayong taon.
Matatandaan na ang chief nuclear negotatior ng South Korea na si Noh Kyu-Duk ay nakipagkita sa kanyang katapat na si Igor Morgulov sa Moscow noong nakaraang linggo upang talakayin ang mga paraan upang muling buhayin ang naantalang pag-uusap ng Denuclearization sa North Korea.
Inaasahang magpapalitan ng pananaw ang dalawang bansa tungkol sa relasyon ng dalawang panig, isyu ng Korean peninsula at kooperasyon sa iba’t ibang larangan ng rehiyon at pandaigdigang isyu.