Former PDEA agent Morales, walang personal na ugnayan kay FPRRD

Former PDEA agent Morales, walang personal na ugnayan kay FPRRD

WALANG personal na koneksiyon si former Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mismong kinumpirma nito sa SMNI News.

Ayon sa dating PDEA agent, wala siyang kinalaman sa ginawang rebelasyon ni dating Pangulong Duterte na kasama ang pangalan ni Bongbong Marcos sa narco-list ng PDEA.

“Hindi po kami magkakilala ni Pang. Duterte, wala, kilala ko lang presidente siya pero hindi niya po ako kilala at wala pa akong ibibigay na dokumento sa kaniya dahil ‘yung mga dokumento na ‘yun nasa PDEA,” paglilinaw ni Jonathan Morales, Former PDEA Agent.

Samantala ayon kay Morales, sa likod ng isyu na ito ay mayroong confidential informant na nagpakita ng larawan sa kaniya noon bilang kumpirmasyon sa dokumento ng PDEA ukol sa kanseladong operasyon laban nga kay alyas ‘Bonget’.

“Tinanong ko nga po si Maharlika kung wala pa ba sa kaniya, kasi magkakasama po ‘yan sa folder. Kung may mga dokumentong nakarating, nakasama doon sa nakapaloob, hindi po pwedeng wala siyang kopya diyan. Kasi ‘yang pictures na ‘yan nakalagay doon sa folder kasama nung affidavit, ‘yung deposition ng witness. Kasi itong mga pictures po na ito, talagang ina-identify, sinertipikahan mismo ng confidential informant na siya mismo ang kumuha ng litrato. Kung lilitaw ito sa publiko stolen shot po ‘yun,” ani Morales.

“Dun sa pagkakakuha niya ng (litrato) meron siyang access kasi may personal information siya, hindi mo pwedeng makuhanan ng litrato nang sikreto kung hindi ka kasama. Sa katunayan nung makaharap ko itong tao na ito, talagang nagpakita siya ng pruweba, nagpakita siya ng mga litrato at ‘yung mga litrato na ‘yun iba’t ibang araw o iba’t ibang pagkakataon, at iba’t ibang lokasyon. Pina-identify ko pa mismo sa kaniya kasi doon sa litrato merong sumisinghot talaga,” dagdag ni Morales.

At nang lumabas umano ang confidential na datos ay kinonsulta ni Morales ang dati niyang boss sa PDEA na si Martin Francia pero nagkibit-balikat lamang ito na ipaglaban ang katotohanan.

“Talagang sinabi ko dun sa boss ko (Francia) na siya na ‘yung magsalita kaya ang tanong ko sasabihin na ba natin, sabi ko sa kanya. Hindi pupwedeng kikilos ako na hindi niya alam, alam niya ‘yan, kaya nga ang sabi nga niya i-deny na lang natin para hindi na magulo. Basta ide-deny ko ‘yan, sabihin ko lang wala,” salaysay pa ni Morales.

Una nang ikinagalit ni Morales ang paglabas ng datos na ito sa internet na unang nakita sa page ng vlogger na si Maharlika dahil ang dapat aniya na may hawak nito ay mga awtoridad lamang.

Hindi lang umano buhay niya ang nalagay sa panganib kundi maging ang kaniyang pamilya.

“Siyempre, dahil sa ako ang laman ng information doon sa classified document na iyon talagang nagalit ako doon sa naglabas. Una doon kay Maharlika, parang ang inano ko ‘di man lang inisip ng tao na ito na maaari kong ikamatay, ‘yung pangalawa doon sa nagbigay sa kaniya,” saad pa ni Morales.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble