IKINABAHALA ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ang nuclear weapons na nilagay ng Russia sa Belarus.
Nagbabala si dating Pangulong Duterte ukol sa tensiyon sa pagitan ng mga bansa na maaring pagsimulan ng nuclear war.
Ilang araw na ang nakalipas simula nang inatras ng Russian private military group na Wagner ang kanilang mga puwersa sa Rostov-on-Don, Russia upang lumipat sa Belarus ayon sa pinagkasunduan ni Wagner chief Yevgeny Prigozhin, Russian President Vladimir Putin, at Belarusian President Alexander Lukashenko.
Ngunit nagulat ang international community sa paglipat ng Wagner troops sa Belarus, matapos lumabas ang mga balita na magtatayo ito ng kampo sa Asipovichy, Mogtilev Oblast, isang lugar sa Belarus na 200-kilometro lamang ang layo sa Ukraine.
Ang bagong kampo na ito ay magiging tahanan ni Wagner Chief Prigozhin at 8,000 pang Wagner forces na makakasama niya roon, at ito aniya ay ayon sa rekwes ng presidente ng Belarus.
Samantala, mas ikinabahala ni dating Pangulong Duterte ang pagdedeploy ng tactical nuclear weapons ng Russia sa Belarus.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay inanunsyo ni Putin na dumating na ang iilang low-yield warheads sa Belarus, at makukumpleto ang pagdeploy ng mga tactical nuclear weapons sa katapusan ng taong 2023.
“’Yan ang mahirap, you extend the danger zone for everybody not only for yourself. Kasi ang Russia inilipat nya,” pahayag ni FPRRD.
Una nang sinabi ni Putin na ang pagbibigay ng United Kingdom sa Ukraine ng depleted Ukrainium munitions ang dahilan kung bakit napagdesisyunan niyang i-deploy ang mga nasabing tactical nuclear weapons sa Belarus, kasama na rin ang matagal nang apela ni Lukashenko na mag-deploy ang Moscow ng nuclear weapons sa kaniyang bansa dahil sa agresibong polisiya ng mga Western countries sa kaniyang bansa.
Ngunit hindi lang ang tensiyon sa pagitan ng Russia at Ukraine ang maaring pagsimulan ng isang nuclear war, ayon sa dating Pangulo, nariyan din ang gusot sa pagitan ng iba’t ibang bansa at kanilang mga kaalyado, kabilang na dito ang tensiyon sa pagitan ng Iran at Israel.
“There’s so many potential cross points in the worlds today as I say, we don’t live in comfortable times,” dagdag ni FPRRD.
Ang Israel ay pinaniniwalaang mayroong tinatawag na ‘nuclear second strike abilities’ gamit ang submarine fleet nito na kayang maglunsad ng isang pre-emptive o biglaang pagpapakawala ng nuclear-capable ballistic missiles mula sa ilalim ng karagatan.