KUWESTIYONABLE para sa political analyst na si Prof. Froilan Calilung ang sinasabing maraming pagkakamali ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kung totoo aniya ang mga obserbasyon ng mga kritiko, bakit patuloy na minamahal ng taumbayan si FPRRD?
Patunay aniya rito ang iba’t ibang prayer rally na isinasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo na ang tanging layunin ay ipagdasal na maging ligtas si FPRRD sa Netherlands at sana’y makauwi na ito sa Pilipinas.
Nag-ugat ang pahayag ng political analyst sa sitwasyon ngayon kung saan dinala sa headquarters ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo para harapin ang nakahaing reklamo laban sa kaniya.
Sentro ng reklamo ang umano’y extrajudicial killings noong ipinatutupad ng dating pangulo ang kanyang drug war campaign taong 2016 hanggang 2022.
Sa kabilang banda, sinabi ni Prof. Calilung na ang nangyayari sa kasalukuyan ay maaaring maging susi para mas lumaki pa ang suporta kay Vice President Sara Duterte sakaling tatakbo ito bilang pangulo ng bansa sa national elections sa 2028.