NOONG Pebrero 22, Sabado, ginanap ang Indignation Rally sa Cebu bilang pagpapakita ng suporta kay Bise Presidente Sara Duterte, na ngayo’y humaharap sa impeachment complaint.
Sa naturang pagtitipon, muling binanatan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kasalukuyang administrasyon. Partikular niyang pinuna si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng matitindi niyang pahayag tungkol sa direksyon ng pamahalaan.
Isa sa maaanghang na pahayag ni dating Pangulong Duterte—ang banta ng diktadura, lalo na sa gitna ng kasalukuyang tensyon sa politika.
Sinang-ayunan ito ng geopolitical at economic risk consultant na si Prof. Mario Ferdinand Ayano Pasion.
Ayon kay Pasion, ang isyu ng Charter Change ay maaaring dahilan kung bakit nagbitiw ng ganoong pahayag si Duterte.
“We cannot discount that possibility, kasi although maaaring hindi outright dictatorship, there may be after this 19th Congress, during the 20th Congress, there might be a Charter Change. Babaguhin ‘yung Constitution. Maaaring gawin tayo ulit na French-style parliamentary system katulad nung sa father niya na French-style parliamentary system,” saad ni Prof. Mario Ferdinand Ayano Pasion, Geopolitical & Economic Risk Consultant.
Bukod rito, binigyang-diin din niya ang mga palatandaan na maaaring mauwi sa diktadura ang Marcos Jr. administration—tulad ng unti-unting pagkawala ng mga platforma ng ilang kaalyado ng Duterte administration, kabilang ang ilang vloggers na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa pamahalaan.
“Nakakalungkot, palatandaan ng diktadurya ‘yung pinagbabawal ‘yung mga sa social media. Dapat kasi kahit na tawagin mo pang fake news ‘yan o hindi totoo, eh meron kasing kasabihan na: ‘I may not agree with what you are saying, but I will defend to the death your right to say it.’ ‘Yan ang tunay na demokrasya. Pabayaan mo na, may sufficient intelligence naman siguro ang Filipino people na hindi natin kinakailangang magbawal o mag-censor,”dagdag ni Pasion.
Samantala, binatikos din ni Pasion ang administrasyong Marcos Jr., lalo na ang line-up nitong “Alyansa para sa Bagong Pilipinas.”
“Medyo may question… ‘yung mga iba d’yan eh palagay ko pinagsawaan na ng mga tao. Hindi na lang tayo magbabanggit ng pangalan, kasi noong senador sila, eh wala naman silang batas… kumbaga sa ano, binutas lang ‘yung upuan. Mambubutas sila, hindi sila mambabatas. Kaya malabo na silang iboto ng taumbayan. Kasi kaya ka hinalal d’yan para gumawa ng batas, hindi para mambutas ng upuan—hindi ka na tumatayo, nabutas na ‘yung upuan mo, hindi ka nagpa-participate sa mga debate. Eh mahirap po ‘yan,” aniya.