Gadon, patuloy sa tungkulin bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation sa kabila ng disbarment

Gadon, patuloy sa tungkulin bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation sa kabila ng disbarment

IPAGPAPATULOY ni Atty. Larry Gadon ang kaniyang bagong tungkulin bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation.

Ito ang binigyang-diin ni Executive Secretary Lucas Bersamin base sa inilabas na pahayag nito sa pamamagitan ng Presidential Communications Office (PCO).

Desisyon ito ng Malacañang sa kabila ng pag-disbar ng Korte Suprema kay Gadon dahil sa viral video clip kung saan paulit-ulit umano minura nito ang journalist na si Raissa Robles.

Saad ni Bersamin, batid ng Office of the President ang patungkol sa kaso ni Gadon sa Supreme Court, subalit naniniwala aniya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang kaniyang trabaho bilang presidential adviser ay hindi maaapektuhan ng kaniyang katayuan bilang isang abogado.

Ani Bersamin, ito ay isang bagay na dapat personal na asikasuhin ni Gadon.

Iginiit ng Palace official na may mga kagyat na bagay na kailangang gawin sa mga programa ng Pangulo laban sa kahirapan.

Pahayag pa ni Bersamin, naniniwala aniya si Pangulong Marcos na pagbubutihin ni Atty. Gadon ang kaniyang trabaho.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter