SA gitna ng sunud-sunod na kilos-protesta na nagaganap ngayon, naniniwala si dating National Security Adviser Norberto Gonzales na posibleng sumiklab na muli ang People Power—oras na hindi mapigilan ang galit at pagkadismaya ng mamamayan sa gobyerno.
“Alam mo, papunta tayo diyan eh… Papunta diyan ang sitwasyon natin ngayon,” pahayag ni Norberto Gonzales, Former National Security Adviser.
Sa isang eksklusibong panayam ng SMNI News, sinabi ni Gonzales na talamak na ang korapsyon at pamumulitika ng administrasyon ni BBM.
“Talagang ang mga kababayan natin, galit na galit sa mga politiko. Malinaw sa kanila ang korapsyon… Ang laki ng korapsyon na nangyayari sa bayan natin, ‘yong pagnanakaw sa pondo natin. Malinaw ‘yan,” ayon pa kay Gonzales.
Dagdag pa ni Gonzales, sa kanyang pag-iikot bilang kandidato sa pagkasenador, iisa lamang ang sigaw ng taumbayan: Palitan ang mga nasa posisyon, pati na ang Pangulo.
Kung makakakita nga lang daw ng isang puwersa na kayang baguhin ang sistema ng pulitika sa bansa at alisin ang mga tiwaling opisyal sa puwesto, siguradong susuportahan ito ng taumbayan.
Dagdag pa niya, nais ng publiko na mapalitan hindi lamang ang mga tiwaling politiko kundi pati na rin ang kasalukuyang Pangulo.
Ganitong pananaw din ang ibinahagi ng dating kadre ng komunistang grupo na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz. Aniya, may malaking posibilidad na muling sumiklab ang People Power, lalo na’t patuloy ang paglaki ng kilos-protesta ng milyun-milyong Pilipinong galit sa mga tiwaling opisyal.
“Hindi ‘yan malayong mangyari. And it is very evident, very undeniable na nagkakaroon ng ground swell of people’s resistance. Namumuo at nagkakaroon ng hulma ang pambansang pagkilos ng mga tao sa iba’t ibang sektor, sa iba’t ibang bahagi ng ating lipunan,” pahayag ni Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Former Cadre.
Dagdag pa ni Ka Eric, maaaring bumilis ang posibilidad ng People Power at ang panawagang pagpapatalsik kay BBM kung magpapatuloy ang katiwalian sa gobyerno at ang kabiguan ng mga opisyal na gampanan ang kanilang tungkulin. Ngunit, aniya, dapat itong gawin sa mapayapang paraan.
Samantala, iginiit naman ni Gonzales na dapat gawing huwaran ng mga Pilipino ang kasaysayan—ang naging matagumpay na pagpapalit ng gobyerno noong 1986 People Power Revolution.
“Tingnan natin ang nangyari sa kasaysayan. Ang naging successful na pagpapalit ng gobyerno ay ‘yong ginawa natin noong 1986—nagkaroon tayo ng People Power. Sinuportahan ito ng Armed Forces at ng Simbahan na nagsabing morally correct ang ginagawa ng taong bayan natin,” ani Gonzales.
Samantala, kung sakaling sumiklab muli ang People Power, iginiit ni Gonzales na malabong makuha ng Pangulo ang buong suporta ng sandatahang lakas.
Giit ni Gonzales, hindi tiyak kung saan manggagaling ang suporta na tutulong sa administrasyon.
Paalala niya, hindi lamang ang Armed Forces ang may papel sa usaping ito, kundi marami pang iba’t ibang sektor ng lipunan na maaaring kumilos.
Follow SMNI News on Rumble