NAGHAIN ng resolusyon si Senador Sherwin Gatchalian upang paimbestigahan ng Senado ang posibleng epekto ng nagpapatuloy na sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.
Aniya posible kasing maapeketuhan ng tensyon ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), presyo ng langis, at singil sa kuryente sa mga lugar na off-grid.
“We must take decisive action to address the potential impact of the Israel-Iran conflict, particularly on our overseas Filipino workers, fuel prices, and electricity rates in the country especially in off-grid areas,” ayon kay Sen. Win Gatchalian.
Nais ni Gatchalian na sa pamamagitan ng nasabing imbestigasyon ay ma asses ang suplay ng enerhiya sa bansa at matiyak ang proteksyon ng mga consumers sa tumataas na presyo nito.
“Through this inquiry, we aim to strengthen our preparedness, ensure the continuous supply of energy, and protect consumers from rising costs. Kahandaan ang ating sandata sa kawalang-katiyakang dulot ng giyera sa pagitan ng Israel at Iran,” saad ni Gatchalian.
Samantala, nagpahayag din ng matinding pagkabahala si Senador Raffy Tulfo, Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, kaugnay sa patuloy na palitan ng atake ng Israel at Iran — mga bansang tinuturing na pangalawang tahanan ng libu-libong Pilipino.
Ayon kay Tulfo, agad siyang tumawag sa mga kinauukulang ahensya upang bantayan ang kaligtasan ng mga Pilipino sa naturang mga lugar.
Sa isang panayam kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kinumpirma nitong ang lungsod ng Rehovot sa Israel ang pinakamalubhang tinamaan ng missile attack mula Iran, kung saan apat na Pilipino ang naospital.
Base sa datos ng DMW at DFA, mayroong 31,000 Pilipino sa Israel, kung saan tinatayang 80% ay caregivers.
Sa ulat ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola, tinamaan ng 365 ballistic missiles mula Iran ang Israel hanggang Hunyo 17, at kasalukuyang tinutulungan ng embahada ang 56 OFWs, kung saan 49 ang ililikas at 7 ang may medikal na kaso.