INIREREKOMENDA ng mga eksperto na nag-aaral ng coronavirus outbreak ng bansa na panatilihin muna ang General Community Quarantine (GCQ) status ng NCR Plus hanggang Hunyo.
Nag-aaverage na ang Metro Manila ng 1099 new cases araw-araw sa mga nakaraang linggo.
Ayon sa OCTA Research Group 80% itong mas mababa kaysa noong Abril na kasagsagan ng pagtaas ng bilang ng mga impeksyon.
Bagaman bumaba na, nananatili pa ring mataas ang mga bilang ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research sa media briefing ngayon Miyerkules.
Aniya, hindi pa tamang panahon para luwagan nang tuluyan ang mga restriksyon at ilagay sa modified GCQ ang NCR Plus.
“While we believe that we can relax restrictions, we think that we should try to retain the GCQ at this time because the cases are still significant,” pahayag ni David.
Punto ni David, iniiwasan nila na ang mga tao ay magpakampante na dahil sa akalang malaki na ang pinagbuti ng sitwasyon at wala ng mga kaso ng virus.
Hanggang sa katapusan ng Mayo ang status ng NCR Plus na GCQ with heightened restriction.
Pero saad ni David maaari ng luwagan ang kasalukuyang heightened restrictions para makapag-operate na sa mas mataas na kapasidad ang mga negosyo.
“We can add capacity. Especially for business establishments that have been very responsible in following protocols, I think it would not be fair to keep the same restrictions since they have been following protocol and making sure they are taking the steps necessary to make sure that outbreaks don’t happen,” ani David.
Ngunit pinapaalalahanan ng OCTA ang mga local government unit (LGUs) na bantayan ang mga social gatherings na maaaring super spreader ng COVID-19.
Nitong linggo lang, 51 residente na ang kumpirmadong naimpeksyon ng COVID matapos ang nangyaring improvised pool party at drinking session sa Barangay Nagkaisang Nayon sa Quezon City.
Pinaalalahan din ng research group ang publiko na kahit nasa 0.53 na ang reproduction number ng NCR o ang average number ng mga taong nahahawaan ng isang taong positibo sa COVID, maaari pa ring magkaroon ng surge o paglobo ng mga kaso lalo na ngayong may mga mas nakakahawang variants na ng COVID-19.
“We don’t know when this may happen. Variants come in. There are new variants arising in the world. Complacency may lead to another surge at this point in time,”dagdag ni David.
(BASAHIN: Mas maluwag na quarantine restriction sa NCR Plus, posible nang ipatupad— OCTA)