Gender equality sa larangan ng Information and Communications Technology, isinusulong ng DICT

Gender equality sa larangan ng Information and Communications Technology, isinusulong ng DICT

ISINUSULONG ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang programa na hihikayat sa mga kababaihan na pumasok sa Information and Communications Technology (ICT).

Kasunod ito sa mga ulat na mababa lamang ang bilang ng mga kababaihan sa larangan ng ICT kumpara sa mga kalalakihan.

Isang programa ang inilunsad ng DICT na ‘GIRLS in Information and Communication (ICT) Day Philippines 2023’.

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng programa ng ahensiya sa ilalim ng Digital Innovation for Women Advancement (DIWA).

Ito ay isang inisyatiba na naglalayong isulong ang kahalagahan ng mga Pilipinong kababaihan na pumasok sa ICT.

Paliwanag ni DICT Undersecretary for Information and Communications Technology Jocelle Batap-Sigue, nanatiling mababa ang bilang ng mga kababaihan sa Pilipinas na nag-i-enroll sa naturang kurso kung ikukumpara sa mga kalalakihan.

Kinakailangan aniyang madagdagan ang mga kababaihang may basic computer skills, digital communication skills, data analysis skills, social media skills, coding and programming skills at cyber security skills.

Aniya, sa milyong-milyong trabaho sa buong mundo, maayos na digital skills ang pangunahing hinahanap sa isang trabaho.

Kung kaya, dapat lang aniya na palakasin ang digital technologies, education, certification, training at iba pa para hikayatin ang mga kababaihan na gumamit ng ICT.

Higit 80 porsiyento ng populasyon ng mga kalalakihan sa bansa ay parte sa workforce, ngunit 60 porsiyento lamang ng populasyon ng mga kababaihan ang mayroong trabaho.

Kung kaya, marami sa mga kababaihan ngayon ang walang trabaho.

At mas maraming mga babae pa aniya ang posibleng mawalan pa ng trabaho lalo’t umuusbong ang teknolohiya.

Lalo na sa paglaganap ng Artificial Intelligence (AI) technology na posibleng mapalitan ang ilang trabahong ginagawa ng tao.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter