UPANG matiyak na epektibong maihatid ang serbisyong publiko sa mamamayang Pilipino, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat fully operational ang tanggapan ng gobyerno.
Sa Talk to the People Address ni Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, sinabi nito na kung pagbabawalan ang mga manggagawa sa gobyerno na magtrabaho dahil sa pagsipa ng COVID cases, mahihinto rin ang makinarya ng gobyerno.
Ginawa ng Punong-Ehekutibo ang pahayag sa gitna ng pagtaas ng kaso ng coronavirus sa mga empleyado ng ilang ahensya ng pamahalaan.
“Alam mo, kung bawalan tayo tapos lahat sa gobyerno kasi opisina ‘yan. Opisina por opisina por opisina. So kung may asymptomatic diyan talagang mahahawa. Ngayon if bawalan mo lahat magtrabaho then the machinery of government will stop to grind,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Gayunpaman, hindi idinetalye ni Pangulong Duterte ang government agencies na kanyang tinutukoy dito.
Idinagdag pa ng Chief Executive na bilang mataas na opisyal ng bansa, kinakailangan magsagawa ng regular na public address upang malaman ng mga Pilipino kung ano ang mga aktibidad o aksyon na ginagawa ng gobyerno.
Binigyang diin ng pangulo na parte ng pagiging civil servant ang panganib na mahawaan ng COVID-19.
“Now, if ma-compromise tayo that’s part of the game. ‘Yan ang trabaho namin. Ngayon, kung magka COVID kami then so be it. Kasali sa trabaho ‘yan e. Now, kung mamatay ako so be it,” ani Duterte.
Kamakailan lang nag-isyu ng Malakanyang ng Memorandum Circular (MC) na nagsasaad ng requirements at procedures para sa pagbabawas ng on-site workforce sa government offices na mababa sa minimum na itinakda sa ilalim ng Alert Level System (ALS).
Sa ilalim ng Alert Level 4, mananatiling fully operational ang ahensya ng pamahalaan na may 20 percent on-site capacity para sa mga manggagawa; humigit kumulang 30 percent on-site capacity naman para sa Alert Level 3; at 50 percent on-site capacity para sa Alert Level 2.
Noong Enero 6, iniulat ni Presidential Security Group Commander Col. Randolph Cabangbang na mayroong kabuuang 15 tauhan ng PSG ang nagpositibo sa COVID-19.
Gayunpaman, tiniyak ni Cabangbang na nanatiling fit and able ang iba pang PSG personnels para bigyang proteksyon ang presidente.
Samantalang ang pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) noong Sabado ay inanunsyo na nasa “crisis mode” ang kanilang operasyon.
Itoy matapos halos 40 percent ng kanilang COVID-19 healthcare workers ay na-infect ng coronavirus habang ang iba ay naka-quarantine makaraang ma-exposed sa COVID.
Batay sa ulat ng Department of Health (DOH), kasalukuyang nasa critical risk case classification ang Pilipinas dahil sa mabilis na pagsirit ng impeksyon dala ng Omicron variant.