Graft case vs DA Senior Usec. Panganiban, propaganda lamang ng mga makakaliwang grupo—UNIFED

Graft case vs DA Senior Usec. Panganiban, propaganda lamang ng mga makakaliwang grupo—UNIFED

NANINIWALA ang United Sugar Producers Federation (UNIFED) na makakaliwang grupo ang nasa likod ng pagsasampa ng kaso laban kay Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban.

Ito ang sinabi ni Manuel Lamata, Presidente ng UNIFED.

Aniya, nag-iingay lamang ang mga makakaliwang grupo upang sirain ang administrasyong Marcos.

“’Yung grupo na ‘yan klarong-klaro na leftist group ‘yan kasama ‘yan ni Senator Hontiveros, magkasama sila eh. Tapos ‘yung bintang nila kay Usec. Panganiban ay that is not true, hindi totoo ‘yang sinasabi ng mga beneficiary, maniwala ka diyan. Walang planter ngayon, beneficiary man o hindi, all farmer’s, sugar farmer’s ay very very happy sa direction ni Presidente Bongbong, pati ‘yung angkat na 440,000 metric tons,” pahayag ni Manuel Lamata, President, UNIFED.

Kung tutuusin aniya, mula sa P120 kada kilo na presyo sa retail price noon ay naibaba na ngayon sa P82 kada kilo.

Nagtuluy-tuloy na ring naramdaman ng mga magsasaka ang farm gate price na P62 hanggang P64.

Pagbibigay-diin pa ng UNIFED, walang basehan ang pagsasampa ng kaso ng mga makakaliwang grupo.

“Propaganda lang ‘yan kasi naman mukhang nawala na sila eh. The left is dying okay, the NPA’s are almost gone wala na ‘yan. So, they have to revive themselves, they have to be known kunwari sila ang mga nagpro-protekta sa mga beneficiary my God. Hindi nila ma-protektahan ‘yan, kinukahaan pa ng bigas araw-araw ‘yung mga NPA ‘yung mga pobre mga 1 hectare beneficiaries sa bundok. So, huwag silang maniwala, kaya huwag silang makinig, huwag kayong maniwala diyan sa mga leftist group na ‘yan,”  dagdag ni Lamata.

Pero, kung ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang tatanungin suportado nila ang pagsasampa ng kaso laban kay Panganiban.

Paliwanang ni SINAG Executive Director, Jayson Cainglet, magandang pagkakataon na rin ito upang malaman ng mga Pilipino at maging mga agricultural group ang katotohanan.

“Maganda ‘yung may nag-file para kahit si Senior Undersecretary ay ma-clarify niya ‘yung kanyang ginawa and then courts will decide kung legal ‘yun or hindi. Kami kasi, tingin talaga namin ano ‘yun illegal ‘yung nangyari pero maganda na rin ‘yung may kaso para Usec., can defend himself in court,” ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.

Ngunit, paninindigan naman ni Raul Montemayor, National Manager ng Free Farmer’s Federation na maling-mali ang naging hakbang ni Senior Panganiban.

Labag aniya sa batas ang pag-angkat ng asukal na walang sugar order.

“Lumalabas na kaya nila minamadali kasi paparating na pala ‘yung asukal na order na. Umalis na ‘yung barko sa Thailand wala pa ‘yung sugar order kaya siguro nila minadali, pero bakit nagka-ganon na parang mayroon nang usapan bago pa mag-umpisa pa ang importations,” wika ni Raul Montemayor, National Manager, FFF.

Hindi aniya risonable na dahil lang sa inutos ng mas mataas na opisyal ng ahensiya ang isang ilegal na proseso ay susundin na.

 “Bakit siya sumunod kung ilegal ‘yung pinapagawa sa kaniya, hindi dapat siya sumunod. ‘Yun siguro ang magiging issue diyan na parang may pinapagawa sayo na medyo ilegal hindi mo puwedeng rason na inutusan kasi ako eh,” dagdag ni Montemayor.

Gayunpaman, positibo naman ang kanilang pananaw na kayang-kayang maipaliwanag ni Panganiban ang isyu na inireklamo laban sa kaniya.

Aminado naman si DA Senior Usec.  Panganiban na minadali niya ang pag-angkat ng asukal pero ito ay alinsunod lamang sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nakahanda namang ipaliwanag ng opisyal ang reklamo laban sa kaniya.

“We are ready to answer kung anuman ang pangangailangan ng ating Ombudsman para ma-clarify din at tsaka, sa amin naman para maging transparent ang ating pong proseso,” ayon kay Asec. Rex Estoperez, Deputy Spokesperson, DA.

“Walang tinatago ang Department of Agriculture,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter