ISINUSULONG ngayon ang implementasyon ng “Green Barangay Program” sa buong bansa.
Sa ilalim ng inisyatiba ni DILG Barangay Affairs Undersecretary Chito Valmocina, aatasan nito ang lahat ng barangay sa bansa na magtanim ng iba’t ibang klaseng fruit bearing trees, gulay, at iba pang pananim na maaaring makatulong sa food security ng mga Pilipino.
Sa panayam ng SMNI News kay Valmocina, malaking tulong ito sa lahat ng pamilya at komunidad lalo na sa tumataas na gastusin sa bansa partikular na sa pagkain, problema sa kalusugan, at kahirapan at tulong na rin sa kalikasan.
Tiniyak din ng opisyal ang programa sa kagustuhan nitong imulat ang mga Pilipino sa kahalagahan ng pagtatanim.
“Ito ‘yung inisip ko na solusyon doon sa sinabi ni Presidente (Ferdinand Marcos Jr.) na food security para sa kalikasan, kalusugan, kagutuman, kahirapan. Kaya ang barangay ngayon ang gagamitin natin na talagang hindi lang magtatanim, magbabantay, malilinis, aalagaan. Ganoon ang gagawin natin,” pahayag ni Valmocina.
Katuwang ang Department of Agriculture (DA), pangungunahan nito ang pamamahagi ng seedlings sa bawat barangay habang ang DENR naman ang tutukoy sa mga strategic locations para sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng punong kahoy at halaman.
Giit pa ni Valmocina, malaki ang potensiyal ng proyektong ito dahil bukod sa pondo, suportado rin ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na isa sa mga pangunahing nagsusulong ng sapat na suplay ng pagkain sa bawat pamilyang Pilipino.
Mula sa 42,000 mga barangay, milyun-milyong Pilipino ang inaasahang makikinabang dito sa lalong madaling panahon.
“Maliban doon sa barangay, lahat ng mga empleyado ay magtatanim sila sa paligid nila, tataniman nila. Halimbawa namang ‘yung fruit bearing, sa mga may open-space, sa mga idle lands, pwede rin magtanim sila noong fruit-bearing (trees). Iyon namang nasa gilid ng ilog, ‘yong mga barangay, pwede ring magtanim ng gulay at saka bakawan. So, lahat ng ani na ‘yan ay nasa initiative ng kapitan ‘yan at ang ipinalalagay ko sa MC ay ‘yong budget ng barangay, sa paggawa nila ng budget ngayong starting October 15, pwede na nilang gamitin ‘yong kanilang pondo na ipambili ng mga seedling o mayroon silang nursery,” ayon kay Valmocina.
Siniguro din ng DILG na walang masasayang na pondo ang pamahalaan dito dahil sa mahigpit na pagbabantay sa programa mula sa pagtatanim hanggang sa pag-aani.
Nauna nang napag-alaman ng opisina ni Valmocina na maraming programa ang DILG para sa mga barangay na hindi napanatili dahil sa kakulangan ng monitoring.
Bagay na hindi niya ito gagawin sa ilalim ng kanyang pamumuno.
“Noong tanungin ko lahat ng taga-DILG, lahat ba ‘kako ng programa na ginawa niyo, after na ma-implement, ano na ang nangyari? Eh, Usec. ang budget lang naman kasi pang-implement lang, wala namang pang monitor eh. Kaya wala na. So, ‘yun ang problema talaga na nakita ko, kaya dapat ngayon nag-create ako ng team na bawat region kahit dalawa o tatlong tao, random lang naman, ‘yun ang ano, ganoon ang aking suggestion, recommendation kay Sec. (Benhur) Abalos, na talagang palakasin natin, tutukan natin ang pag-i-implement nito at ako naman, yan ang forte ko na hanggang hindi nagagawa ‘yan, tututukan ko talaga ‘yan. At saka ‘pag-uukulan ko ng panahon ‘yan, ‘yan ang sa akin,” ayon kay Valmocina.
Ngayong taon inaasahan na matatapos na ang memorandum circular sa nasabing programa, habang kasalukuyan na ring isinasagawa ang koordinasyon at pulong ng DILG sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga barangay sa bansa para sa agarang implementasyon nito.