PORMAL nang inireklamo ng isang grupo ang “No Vaccine, No Ride” policy sa Korte Suprema.
Ayon sa grupo, ito raw ay malinaw na paglabag sa Konstitusyon at karapatan ng mga mananakay.
Dumulog ang Pasahero Partylist sa Korte Suprema upang ipawalang bisa ang anila’y unconstitutional na “No Vacine, No Ride” policy.
Ang “No Vaccination, No Ride” policy ng Department of Transportation (DOTr) ay nagbabawal sa mga unvaccinated na sumakay sa mga pampublikong sasakyan tulad ng public jeepneys, taxi, bus, barko at eroplano palabas at papasok ng National Capital Region (NCR).
Sa 41 pahinang petisyon, sinabi ng Pasahero PL na nilabag ng DOTr ang karapatang bumiyahe ng mga Pilipino na may kalayaang magpabakuna kontra covid o hindi.
“Ang maapektuhan kasi nito ay ang ating mga commuters …sa tingin po natin ito ay labag sa Konstitusyon,” sinabi ni Atty. Homer Alinsug, spokesperson, Pasahero Partylist
Bukod sa “No Vacine, No Ride” policy ay inirereklamo rin ang iba pang resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na anilay may diskriminasyon sa mga hindi bakunado.
Kabilang dito ang IATF Resolution No. 148-B Series of 2021 at ang MMDA Resolution No. 22-01 Series of 2022.
Sa IATF resolution ay hinihikayat ang mga establisyamento na wag papasukin o wag pagsilbihan ang mga indibidwal na hindi pa bakunado, habang sa MMDA resolution naman ay pinagbabawalan ang mga unvaccinated individuals na gumamit ng public transportation sa NCR, maging ang domestic travel para magtrabaho.
Kabilang sa inirereklamo sa petisyon sina IATF Chair at Health Secretary Francisco Duque III, MMDA OIC Chair Romando Artes at DOTr Secretary Arthur Tugade.
“Sang-ayon naman kami sa hakbang ng pamahalaan,” dagdag ni Alinsug.
Bilang pansamantalang solusyon ay hinihikayat ng Pasahero PL ang Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order (TRO) at preliminary injunction upang pigilan ang DOTr at MMDA na ipatupad ang kanilang mga direktiba habang wala pang resolusyon ang kanilang petisyon.