Gun ban sa NCR, nagsimula na ngayong araw hanggang Hulyo 2

Gun ban sa NCR, nagsimula na ngayong araw hanggang Hulyo 2

OPISYAL nang nagsimula ngayong araw ang gun ban sa National Capital Region (NCR) na magtatagal hanggang Hulyo 2 na inaprubahan mismo ni PNP OIC LtGen. Vicente Danao, Jr.

Bahagi ito ng security measures ng PNP para sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos, Jr. na gaganapin sa Hunyo 30, 2022.

“Our recommendation to suspend the Permit to Carry Firearms Outside Residence was already approved by our OIC-PNP Lt. Gen. Vicente Danao Jr. and the suspension covers the period of full preparations, deployment and implementations of the security measures for the oath-taking events of the two highest ranking officials of the country,” pahayag ni PMGen. Valeriano de Leon, Director for Operations, PNP.

Ayon kay De Leon, hakbang ito para maiwasan ang anumang banta ng kriminalidad sa NCR habang isinasagawa ang makasaysayang aktibidad sa bansa.

Samantala, bukas Hunyo 28, pangungunahan naman ng Task Force Manila Shield ang paghihigpit sa mga pangunahing lansangan papasok sa lungsod ng Maynila para higit na matiyak ang seguridad ng lungsod laban sa mga nagbabalak na manggulo sa inauguration day ni President-elect BBM.

Sa ilalim nito, magtatalaga ng checkpoints sa lahat ng entry points sa Maynila para malaman kung sino ang pumapasok sa lungsod at ano ang pakay ng mga ito.

Inatasan din ng PNP ang police commanders sa mga karatig lalawigan ng NCR para siguruhing walang anumang kaguluhan na mangyayari sa mismong araw ng inagurasyon.

Muling iginiit ng PNP na nakahanda na sila katuwang ang iba pang law enforcement unit para sa malinis at maayos na pagdaraos ng pagpapalit ng liderato ng pamamahala sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter