Hakbang ng gobyerno vs El Niño phenomenon, pinasusuri sa Senado

Hakbang ng gobyerno vs El Niño phenomenon, pinasusuri sa Senado

NAKAKAALARMA na ang epektong dulot ng tumitinding init ng panahon dala ng El Niño phenomenon.

Dahil dito gusto nang paimbestigahan ng mga senador kung ano na nga ba ang hakbang ng gobyerno para maibsan ang peligrosong epekto nito ‘di lamang sa mga pananim kundi maging sa publiko.

Batay sa pinakahuling ulat ng Kagawaran ng Agrikultura umabot na sa P2.63-B ang naitalang pinsala ng El Niño sa mga pananim sa bansa.

Ito ay katumbas ng 53,879 ektarya (ha) ng sakahan o 116,792 metric tons (MT) of production volume.

Pero para kay Sen. Robin Padilla, hindi lamang mga pananim ang nakababahalang maapektuhan ng tinatayang pinakamatinding El Niño ayon sa World Meteorological Organization.

Ang El Niño ay banta rin sa mga mahalagang sektor tulad ng kapaligiran, edukasyon, kalusugan at pampublikong kaligtasan kung kaya’t mahalaga aniya na may alam dito ang mga mamamayan.

Nais ni Sen. Robin Padilla na suriin at mapabuti ang information drive ng pamahalaan para malaman ng publiko ang paghahanda at pagtugon nito sa krisis na dulot ng El Niño.

Ihinain ni Padilla nitong Lunes ang Senate Resolution 987, para gawin ng Senate Committee on Public Information and Mass Media – kung saan siya ang tagapangulo – ang “inquiry in aid of legislation.”

“Conducting an information and awareness campaign is necessary to ensure that the public is well-equipped with the necessary knowledge to undertake precautionary measures on the impact of this weather condition,” saad ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla, Chair, Committee on Public Information and Mass Media.

Sa kaniyang resolusyon, ipinunto ni Padilla na mahalagang may sapat na kaalaman ang publiko patungkol dito para mapaghandaan ang epekto ng nasabing kondisyon ng panahon.

“Filipinos must be informed of up-to-date and necessary preparations and responses of the national and local government, as the country has been taking the brunt of dangerous levels of heat index, mainly attributed to the El Niño phenomenon,” dagdag ni Padilla.

Kailangan din aniya ito ng mga lokal na pamahalaan upang agad na makapaglabas ng abiso kaugnay sa peligrosong lebel ng heat index dala ng El Niño.

Bukod kay Padilla ay inihain naman ni Sen. Imee Marcos ang Senate Resolution 986 na may layuning imbestigahan ang nararanasang krisis sa tubig sa bansa dala ng El Niño.

“Despite various efforts and initiatives by the government and the increase in water rates, the country is still experiencing strained water resources and water crisis in various regions and provinces,” wika ni Sen. Imee Marcos.

Sa kaniyang resolusyon, ipinagtataka ng senadora kung bakit paulit-ulit ang problema sa pahirapang suplay ng tubig sa bansa sa kabila ng iba’t ibang hakbang ng gobyerno at pagtaas ng singil sa serbisyo nito.

Paalala ng senadora na sa buwan ng Disyembre taong 2023 ay nagbabala na ang Department of Science and Technology na nasa 65 o 77 percent ng kabuuang bilang ng probinsiya sa bansa ang makararanas ng matinding tagtuyot bago matapos ang buwan ng Mayo taong 2024.

Sa kasalukuyan ay nasa 37 na lugar ang apektado ng El Niño, may dry spell sa 22 lugar, at dry conditions sa 12 lugar sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble