NAKAPAGTALA ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng lalawigan ng Ifugao ng mahigit sa P60 milyong halaga ng pinsala sa malaking sektor ng agrikultura, kasunod ng tuluy-tuloy na pag-uulan sa malaking bahagi ng Banaue nitong mga nakaraang araw.
Batay sa datos ng PDRRMC, nasa mahigit sa P5 milyon ang damage sa mga kabahayan mula sa 9 na barangay na lubhang naapektuhan ng mga pagbaha sa lugar.
Habang nasa higit P48 milyon naman ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Ifugao gaya ng palay, high value crop, livestock at mga palaisdaan.
Sa kabuuan, umabot sa 1,052 na pamilya ng naapektuhan ng naturang pagbaha kasama ang 45 na mga establisimyento.
Ayon sa PNP Pro-Cordillera, bahagya nang bumubuti ang lagay ng mga naapektuhang mga residente sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan at mula sa national government.
“Actually, nakausap ko ‘yung COP ng Banaue as per doon sa mga nag-evacuate ay nakabalik naman na raw ito sa kanilang mga tahanan. So, ‘yung effort na lang ng ating mga kapulisan ngayon ay tumutulong pa rin sa paglilinis ng mga kalsada kasi dahil nga doon sa mudslide, maraming putik ang naiwan doon sa kalsada. Isa pang ginagawa natin is ‘yun kuwan paglilinis ng mga drainage, kasi kahapon may mga pag-uulan na mga nagaganap kaya mahalaga na malinisan din ito,” pahayag ni PCPt. Marnie D. Abellanida, RPIO-PROCOR.
Sa katunayan aniya, hindi lang sa mga kalsada nila isinasagawa ang paglilinis kundi maging sa mga kabahayan din ng mga residente na humihingi ng tulong sa mabilis na pag-aalis ng mga naiwang putik sa loob ng kanilang mga tahanan.
“Minsan, may mga nagri-request sa mga bahay nila, tumutulong na rin para mabilis na makabalik sa normal na status ang pamumuhay ng maraming residente,” saad ni Abellanida.
Samantala, maaari na ring madaanan ang mga pangunahing lansangan ng Banaue matapos ang sunud-sunod na clearing operations na ginawa ng mga awtoridad at iba pang lokal na ahensiya sa lugar subalit, ibayong pag- iingat pa rin ang kailangan para makaiwas sa anumang aksidente.
“Now na nag-uusap tayo is according to the COP, open naman na ‘yung major thoroughfare. Ibayong pag-ingat pa rin ‘yung paalala natin sa mga motoristang daan, dahil siyempre dahil may mga pag-ulan baka may mga gumuho na lupa, ‘yun ‘yung mga pine-prepared natin. So, pag-iingat talaga sa kalsada,” ani Abellanida.