NAPABILANG sa heritage program ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang 168 pelikula ng yumaong si Fernando Poe Jr.
Layunin dito ng UNESCO-Memory of the World Program ang mai-preserve at parangalan ang documentary heritage ng bawat bansa at gawing accessible ito sa publiko.
Ang FPJ Film Collection ay isa naman sa siyam na dokumento at koleksiyon mula sa Pilipinas na kasama sa UNESCO-Memory of the World Program.
Ang iba pa ay ang:
– Presidential papers ni Manuel Quezon
– Radio broadcast ng EDSA People Power Revolution
– Ang Jose Maceda Collection na binubuo ng musical archive at field notes
– Philippine paleographs mula sa Hanunoo, Buhid, Tagbanua, at Pala’wan
– Ang Culion Leprosy Museum Archives
– Doctrina Christiana (1593) – ang isa sa pinakaunang nalimbag na aklat sa Pilipinas
– Hinilawod epic chant recordings
– At, ang pelikula ni Eddie Romero: Ganito kami noon, paano kami ngayon?
Samantala, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Sen. Grace Poe sa UNESCO para dito dahil napili ang koleksiyon ng mga pelikula ng kaniyang yumaong ama.
Kinilala si Fernando Poe Jr. bilang “Hari ng pelikulang Pilipino,” at ang kaniyang mga pelikula ay nagsilbing salamin ng buhay ng karaniwang mamamayan.
Pinupuri ng publiko ang kaniyang mga ginampanang karakter dahil lumalaban ito sa pang-aapi at katiwalian.