TAONG 2016, umabot sa mahigit 300 na mga lokal na pamahalaan na binubuo ng (41 probinsiya, 48 siyudad, at 209 munisipalidad) ang kinilala at nakatanggap ng Seal of Good Local Governance (SGLG) Award.
Ang SGLG ay programa ng Department of Interior and Local Government (DILG) na naglalayong paigtingin ang tapat at mahusay na pagganap ng mga tungkulin ng mga local government units (LGUs).
Ito’y isa sa mga programang kinilala bilang commitment ng Pilipinas sa Open Government Partnership (OGP).
Ngayong taong 2023, halos 500 LGUs ang nakatanggap ng nasabing award, ito ay binubuo ng 28 probinsiya, 64 siyudad at 401 munisipalidad.
Ang mga LGU na ito ay nagpakita ng kahusayan at katapatan sa serbisyo at pamamahala.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjamin Abalos, Jr. na bagama’t dumami ang mga government officials sa mga rehiyon na nagpapatupad ng mainam na mga programa at polisiya sa kanilang mga lugar ay dapat pa rin na hikayatin ng mga ito ang kanilang mga kapwa government officials na pag-ibayuhin ang kanilang pamamahala.
“Kaya sa inyong mga 493 SGLG passers, nawa’y ibahagi po ninyo ang inyong mga kuwento sa ating kapwa local officials kapag may mga pagtitipon o pagsasanay nawa ay pag-usapan natin ang iba’t ibang paraan kung papaano magiging mas mahusay ang ating pamamahala,” ayon kay Sec. Benjamin Abalos, Jr., DILG.
Malaki naman ang pasasalamat ni Malasiqui Pangasinan Mayor Anthony Geslani sa kooperasyon at pagkakaisa ng kaniyang mga nasasakupan dahil ito na aniya ang ikalimang pagkakataon na nakatanggap ang kanilang munisipalidad ng SGLG Award.
“It is a very big achievement by this municipality is not your maker of this award but the cooperation of all the department of the Municipality of Malasiqui that is why it is five time we get this in watch as mayor so this is dedicated to you Kabaleyans pinabli ka Malasiqui,” ayon kay Mayor Anthony Geslani, Malasiqui, Pangasinan.
Natutuwa naman si Ilocos Sur Governor Jeremias Singson dahil sa lahat ng probinsiya na dumalo ay sila ang may pinakamaraming LGUs na nakatanggap ng nasabing parangal.
“Sinasabi ko sa mga mayors natin na let’s be complaint para sa lahat, infact very happy ako kasi sa Ilocos Sur kami ang pinakamaraming LGUs na awardee other provinces at lima lang kami 20 LGUs ang kasama ko sa award.”
“We are very much honored for this award na SGLG ay para sa mga kababayan ko sa Ilocos Sur sana by next year lahat tayo sama-sama pagkuha ng award na ito,” ayon kay Gov. Jeremias Singson, Ilocos Sur.
Para makakuha ng SGLG Award ay dapat makumpleto ng mga LGUs ang criteria gaya ng good financial housekeeping, disaster preparedness, social protection, business-friendliness at competitiveness, peace and order at environmental management.
Ang mga nakatanggap ng seal ay makatatanggap ng Performance Challenge Fund (PCF) na siyang insentibo sa mga natatanging LGUs.