Higit 130K katao, apektado ng Bagyong Agaton – NDRRMC

Higit 130K katao, apektado ng Bagyong Agaton – NDRRMC

AABOT sa 139,146 katao o 95,741 na pamilya ang apektado ng Bagyong Agaton sa 274 na mga barangay sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, Caraga, at Bangsamoro.

Ito ay base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Dagdag pa ng NDRRMC, nasa 91 na mga bahay ang nasira kung saan 84 ang bahagyang nawasak at pito ang tuluyang nawasak sa Central Visayas, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN at Caraga.

Tinatayang aabot naman sa P 874,000 ang halaga ng sira sa agrikultura sa SOCCSKSARGEN at Bangsamoro habang P250,000 halaga ang nasira sa imprastraktura sa Central Visayas at Northern Mindanao.

Bukod pa rito, nakapagtala ang NDRRMC ng 286 na insidente ng pagbaha, 15 pagguho ng lupa, anim na agarang pagbaha, 3 maritime incidents at isang ilog ang umapaw.

Naitala rin ang 37 kalsada at limang tulay na hindi madaanan dahil sa bagyo.

Naiulat din ng NDRRMC ang 64 na syudad at munisipalidad na nakaranas ng brownout at lima sa mga ito ang naibalik na ang linya ng kuryente.

Samantala, dalawang lugar naman ang nakaranas ng water supply interruptions.

Sa mga pantalan naman, 39 sa mga ito ang pansamantalang itinigil ang operasyon na nakaapekto ng mahigit 6 na libong pasahero na na-stranded.

Kaugnay nito, stranded din ang aabot sa 1,710 na mga rolling cargo; 10 barko at isang motor banca.

Sinuspinde rin ang aabot sa 109 na klase at 72 na mga work schedule dahil sa bagyo.

Follow SMNI News on Twitter