Health protocol sa campaign rallies, dapat tutukan ng mga kandidato –DOH

Health protocol sa campaign rallies, dapat tutukan ng mga kandidato –DOH

SA kick-off ng campaign period noong nakaraang linggo, kaliwa’t kanan na ang pagsasagawa ng mga kandidato ng kanilang campaign rallies.

Ito ay upang makuha ang boto ng taumbayan at mailuklok sila sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

Pero ang Department of Health (DOH) ay muling nagpaalala na dapat tutukan ng bawat aspirant ang health and safety protocol ng kanilang mga taga-suporta.

Binigyang diin ni DOH Secretary Francisco Duque III na hindi dapat maging pabaya upang hindi magkaroon ng super spreader events.

“Dahil hindi po pwede na maging pabaya tayo rito dahil siguradong magiging super spreader events ito at maibabalik na naman tayo sa mas mataas na alert level status and we don’t like it anymore. Di ba, hangga’t sa maari gusto nating magbukas na yung malaking bahagi ng ekonomiya. So, kailangan talaga magkaisa tayo,” sinabi ni Duque.

Dagdag pa ng kalihim, kailangan makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at kapulisan para sa mas maayos ng campaign rallies sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Kailangan umano sa bawat venue ay mayroong engineering controls, ibig sabihin dapat may isang entrance point at exit point lamang para maiwasan ang siksikan ng mga tao at maaring maging dahilan sa transmisyon.

Ani Duque, hindi niya masasabi kung anu-ano ang maaring kaparusahan sa mahuhuling kandidato na lalabag sa mga alituntunin.

“Nakatalaga naman yan sa COMELEC health and safety protocols, hindi ko lang alam o memoryado kung ano yung mga kaparusahan na nakalagay. So, hindi ako manghula. So tingnan niyo nalang sa website ng COMELEC kung ano ba yung structure of penalties sa oras na lalabag,” ani Duque.

Matatandaang, iba’t ibang kilalang aspirant o tandems na ang nagsagawa ng kanilang campaign rallies sa buong bansa.

Kabilang na dito ang Domagoso-Ong tandem, De Guzman at Bello tandem, Pacquiao-Atienza, Robredo-Pangilinan, Lacson-Sotto at ang Marcos-Duterte tandem o ang Uniteam.

Samantala, hinihikayat din ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga kandidato na sila mismo ang manguna sa pagsunod sa batas kaugnay sa tamang paraan ng pangangampanya.

 

Follow SMNI News on Twitter