PABOR ang Philippine National Police (PNP) sa mungkahi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na limitahan lang ang pagsasagawa ng caravan at political rally sa mga pangunahing lansangan lalo na sa Metro Manila.
Isang linggo na ang nakalilipas at halos hindi magkamayaw ang mga politiko sa kaliwa’t kanang caravan at mga rally sa iba’t ibang lugar sa bansa.
At mula sa mga naglalakihang mga sorties, hindi maiwasan na magkaproblema sa daan, lalo na sa usapin ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.
Ayon sa panayam ng SMNI News sa tagapagsalita ng PNP na si Atty Jean Fajardo, iginagalang nila ang rekomendasyon ng MMDA na limitahan ng mga politiko nag kani-kanilang mga rally at itaon sa weekend o di kaya sa mga espesyal na araw.
Ayon sa ahensiya, hakbang ito upang maiwasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan
“Unang-una, nirirespeto namin yung panukala na ibinaba ng MMDA na limitahan lang yung pagsasagawa ng rally lalo na yung motorcade at caravan dito sa Metro Manila ng weekend at holidays lang,” ayon kay Fajardo.
“Alam naman natin na napakaliliit ng daan at sa volume ng mga sasakyan na ito rin ay para na rin sa kapakanan ng ating mga motorista at mananakay at bumibiyahe araw-araw papunta sa kanilang trabaho. Kasi kapagka nga naman wala tayong limitasyon sa pagsasagawa sa mga ganitong election-related activities ay talagang maapektuhan yung ating mga kababayan, maiipit at maiipit sila sa traffic,” dagdag ni Fajardo.
Nauna na rin itong sinang-ayunan ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos.
Aniya, praktikal ito na mungkahi upang maging abala sa mga motorista lalo na sa nagmamadali sa kani-kanilang dapat na destinasyon.
“We also agree these caravans should only be allowed on weekends and holidays, according to the guidelines of the MMDA. This will be practical since lesser volume of vehicles are out on the streets,” ayon kay Carlos.
“I hope that the candidates and their supporters will understand that they should not be the cause of delay for the general public,”dagdag nito.
Giit ng PNP, dapat maging aral anila ito sa mga politiko na maging responsable sa pagtataguyod ng mga caravan bilang isang huwarang kandidato.
“Actually sir, ang dapat talaga pangunahan ng mismong mg kandidato natin yung mga ganitong pagsasaayos, malinaw naman sir na doon sa lumabas na guidelines ng COMELEC na kapagka sila at hihingi ng permit doon sa mga COMELEC campaign committees ay dapat nakasaad doon kung saan at oras at nakalagay doon yung mga protocol na susundin nila at para maging maayos at secure yung mga gagawin nilang pagsasagawa ng election related activities,” ayon pa ni Fajardo.
Sa kabilang banda, nakahanda pa rin naman ang PNP na makipagtulungan sa mga kandidato upang matiyak ang seguridad ng lahat.
Bagama’t batid rin ng PNP na marami rin sa mga kababayan ang nakaiintindi sa sitwasyon pero mas mainam pa rin anila na bigyan ng sapat na daan ang mga motoristang nagmamadali sa lansangan.
“Siguro, iniintindi nalang din siguro ng iba nating mga motorista dahil unang-una wala rin silang magawa at sabi ko nga sir, maganda kung itong magkakaroon ng kaunting limitasyon para na rin sa kapakanan doon sa iba nating mga kababayan, but, again we will abide kung ano yung mga ilalabas na guidelines ng ating mga commissioned government agencies, kung sa PNP naman palagi sir eh katulad ng mga guidelines na inilabas ng COMELEC ay susunod tayo at tatalima kung ano yung ibinigay sa ating mandato,” ayon kay Fajardo.
Pakiusap ng PNP, sa mga politiko na regular na makipag-ugnayan sa mga LGU upang matiyak ang ligtas na pagsasagawa ng mga caravan at maayos na daloy ng trapiko sa tulong ng mga tauhan nito.