Health Sec. Herbosa, gusto nang matanggal ang state of public health emergency sa bansa

Health Sec. Herbosa, gusto nang matanggal ang state of public health emergency sa bansa

GUSTO nang matanggal ang state of public health emergency sa bansa ayon kay health Sec. Ted Herbosa.

Para sa Department of Health (DOH), hindi na emergency ang COVID-19 virus.

Ang bagong kalihim ng DOH na si Sec. Ted Herbosa gusto nang hilingin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagtanggal ng state of public health emergency sa bansa.

Matatandaan, Marso 2020 nang ideklara ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang state of public health emergency dahil sa banta ng COVID-19 virus.

Sa ilalim ng isang proklamasyon, maaring i-lift ang state of public health emergency kung ito’y papayagan na ng Pangulo ng bansa.

Pero mananatili aniya ang alert system sa bansa.

 “The alert level system will stay because that’s a system like the typhoon signal that stays. But actually hindi na siya (that’s no longer a) public health,” ayon kay Sec. Ted Herbosa, DOH.

Libreng ‘Review’ program na inaalok sa mga unlicensed nurse, suportado ng DOH

Samantala, nagpahayag ng suporta ang DOH sa alok na libreng ‘Review’ program ng Carl Balita Review Center para sa mga unlicensed nurse.

Una nang sinabi ni Herbosa na gusto nilang i-hire maging ang mga unlicensed para mapunan ang pangangailangan ng bansa sa mga nurse.

Prayoridad ng programa ay yaong mga unlicensed nurse na mayroon nang trabaho sa ospital.

Malaking katipiran sa mga nursing graduate ang mailibre sa review center.

Sa ngayon nasa 18,000-25,000 ang bayad ng mga gustong magpa-mentor bago ang board exam sa Nobyembre.

Ayon kay Dr. Carl Balita, 10,000 nursing graduates ang gusto nilang mailibre sa ‘Review’ program na magsisimula sa buwan ng Hulyo.

Mayroon aniya silang 180 review centers sa buong bansa kaya aniya kahit ang nasa Visayas at Mindanao puwedeng makalibre.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter