BINIGYANG pagkilala ni Pangulong Rodrigo Duterte si Pinay weightlifter Hidilyn Diaz matapos ang kanyang pagkapanalo sa Tokyo Olympic 2020.
Sunod-sunod din ang natanggap na reward ng Pinay Olympic gold medalist mula sa national government at mga pribadong sektor.
Nagbigay naman ng congratulatory message ang iba pang Cabinet secretary kasama sina Senator Christopher ‘’Bong’’ Go, Secretary Harry Roque, DOH Secretary Francisco Duque III at NTF COVID Chief implementer and vaccine czar Secretary Carlito Galvez.
Ilan sa mga regalong natanggap ni Hidilyn ay ang karagdagang P3 million mula kay Pangulo Duterte, at 10-M mula sa gobyerno.
Bilang isang miyembro ng Armed Forces of the Philippines, makatatanggap ng fully furnished na house and lot sa Zamboanga at pagkakalooban din ang Pinay athlete ng Presidential Medal of Merit, bukod pa ito sa matatanggap ni Diaz mula sa private sector.
Samantala, nitong Miyerkules ng gabi lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang Philippine Airlines Flight PR 427 lulan ang Filipina Olympian gold medalist galing Narita, Tokyo Japan.
Sinalubong ng mga opisyal si Diaz mula sa Philippine Sport Commission (PSC) sa pangunguna ni PSC- OIC commissioner Cecilia Kiram, Airforce Chief Lt.Gen Allen Paredes, at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal at si dating Congressman Monico Fuentebella .
Kasama naman na umuwi ng bansa ang Olympic skateboard finalist na si Margielyn Didal.
Kabilang sa mga nag-abang kay Hidilyn sa labas ng NAIA 2 ang ilang mga tauhan ng Philippine Air Force kung saan miyembro siya nito at kaka-promote lamang sa kanya bilang Airforce Staff Sergeant matapos ang makasaysayang pagkapanalo sa Japan Olympics.
Ibinahagi naman ni Hidilyn ang kanyang mensahe at pasasalamat sa mga tagasuporta nito.
Matatandaang, noong nakaraang Lunes, Hulyo 26, si Diaz ang kauna unahang atletang Pinoy na nakapaguwi ng gintong medalya sa Olympics makalipas ang 97 taon.
Nagsimulang lumahok ang Pilipinas sa Olympics noong taong 1924 at mula noon walang atletang Pinoy ang nakapag-uwi ng medalyang ginto, maliban sa silver at bronze.
Binasag ng 30-anyos na si Diaz ang World record holder ng China na 223kg at Kazakhstan 213kg matapos matagumpay na mabuhat nito ang 224 kg sa kanyang final attempt sa women’s 55 kg category sa weightlifting sa Tokyo Olympics 2020.