High-speed internet access, target sa 14 na lalawigan

High-speed internet access, target sa 14 na lalawigan

HIGH-speed internet access para sa buong bansa.

Ito ang layon ng inilunsad na Phase 1 ng National Fiber Backbone (NFB) na ginanap sa Sofitel, Pasay City nitong Abril 19, 2024.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na sa pamamagitan ng naturang proyekto ay patataasin ang kapasidad ng serbisyo ng internet connectivity sa iba’t ibang lalawigan, tanggapan ng gobyerno, at data centers sa bansa.

May kakayahan ang NFB Phase 1 na pabutihin ang operasyon ng 346 national at local government office na nakakonekta sa GovNet.

Ang Govnet, na bahagi ng National Broadband Program ng DICT, ay nagbibigay ng high-speed internet access sa mga pampublikong ahensiya, paaralan, at ospital sa buong bansa.

Sa paglunsad ng National Fiber Backbone Phase 1, nasa P145-M ang maaaring matipid ng pamahalaan sa proyekto kada taon.

Magpapalawig din ito ng digital lifeline sa mahigit 3,000 Libreng Wi-Fi Sites, na magbibigay-daan sa direktang internet access para sa humigit-kumulang 750,000 benepisyaryo sa Rehiyon I, III, at NCR.

Sa ilalim ng National Fiber Backbone project ay mapabibilis din ang digital infrastructure at maisakatuparan ang target na maging fully connected na ang bansa.

Inaasahan naman ang pagkumpleto ng National Fiber Backbone Project sa taong 2026.

Follow SMNI NEWS on Twitter