Higit 40 domestic flights ng Cebu Pacific, apektado sa Alert Level 3 status sa NCR

Higit 40 domestic flights ng Cebu Pacific, apektado sa Alert Level 3 status sa NCR

NASA kabuuang 46 na domestic flights ng Cebu Pacific ang kanselado ng hanggang Enero 15, 2022.

Ayon sa Cebu Pacific karamihan sa mga ruta ng mga biyahe ng kanilang airlines ay balikan mula Manila patungong Caticlan, Cagayan de Oro City, Cebu, Davao, Puerto Prinsesa at Tacloban.

Ayon sa Cebu Pacific patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon sa mga domestic station matapos itaas ng IATF-EID ang Metro Manila sa Alert Level-3 status ng hanggang Enero 15.

Naabisuhan na ng flight carrier ang kanilang mga pasaherong maaapektuhan na lumipat sa ibang flights.

Maaari din naman anilang pumili ang mga pasahero para mag-avail gaya ng rebook at travel fund sa pamamagitan ng manage booking portal ng Cebu Pacific website ng hanggang 30 araw mula sa petsa ng kanilang departure.

Sa kabilang banda naman ay tiniyak ng Cebu Pacific na ligtas na nagseserbisyo ang kanilang mga empleyado sa kanilang mga pasahero.

Sa ngayon, nagsisimula na rin ang kanilang manggagawa na tumanggap ng booster dose matapos ma fully vaccinated ng 100 percent ang kanilang mga  tauhan.

Tiniyak din ng Cebu Pacific na kahit pa bakunado laban sa COVID-19 ang kanilang mga piloto at cabin crew ay regular pa rin ang mga ito na sumasailalim sa antigen testing, ibig sabihin nagte-test muna sila bago papayagan mag duty kung negative ang resulta ng kanilang test.

Bukod pa dito ang kanilang mga eroplano ay dumadaan din sa maiiging disinfection araw-araw.

Ipinagmamalaki din ng naturang airlines na ang kanilang airbus jets ay gumagamit din ng hospital-grade high efficiency particulate arrestor o hepa filters na may kakayahang mag-filter ng microscopic bacteria at virus clusters, kabilang ang COVID-19 na may 99.99% efficiency.

SMNI NEWS