NAKATAKDANG dumating ngayong araw ang panibagong batch ng Pfizer vaccines.
Nasa kabuuang 976,950 doses ng panibagong batch ng Pfizer vaccines na binili ng Pilipinas ang nakatakdang dumating ngayong araw.
Ang mga naturang bakuna ay sakay ng Air Hong Kong Flight ID456 na inaasahang lalapag sa Terminal -3 ng Ninoy Aquino International Airport pasado 9:00 mamayang gabi.
Sa ngayon nasa kabuuang 97,678,340 doses na ng COVID-19 vaccines ang tinanggap na ng Pilipinas simula Febrruary 2021.
Tiniyak naman ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer and vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. na maabot ng bansa ang nasa 100 milyong doses ng bakuna bago pa matapos ang buwan ng Oktubre.
Sinabi din ni Galvez sa nabanggit na bilang 24.33 million doses dito ay donasyon sa pamamagitan ng Covax facility, habang ang 4.64 million ay donasyon naman mula sa bilateral partners.
Ang 60.72 million doses ay binili ng national government at ang 7.98 million doses ay binili ng LGUs at ng pribadong sektor.
Una na rin sinabi ni Galvez sa talk to the people address na sa mga bakunang ito 77.99 million doses ang nadeploy na sa mga Local Government Unit.
Aminado din si Galvez na meron pang 41.96 million doses ng bakuna ang nasa national warehouses na nakahanda na ring ideploy sa iba’t-ibang implementing units.
Nasa 56.25 million ang total doses administered sa Pilipinas.
Sa bilang na ito, nasa 33.65% o 25,955,669 ang fully vaccinated sa buong bansa.
Inaasahan na bukod sa mga bakunang binili ng Pilipinas darating pa ang mga donasyon na bakuna mula sa United States, China, Japan, at Germany.