NATUKLASAN ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang inabandonang bagahe ng isang pasahero sa NAIA-Terminal 1, araw ng Miyerkules, Mayo 17.
Kinumpirma ni Customs District Collector Atty. Yasmin Mapa, natagpuan ang 2.8 kgs ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa mahigit P19-M halaga na isiniksik sa mga damit sa isang abandonadong bagahe.
Ayon sa BOC-NAIA ang bagahe ay pag-aari ng isang pasaherong Ugandan.
Dumating sa Pilipinas ang naturang bagahe, sa pamamagitan ng Ethiopian Airlines Flight no. ET628 at Philippine Airlines Flight No. PR 737.
Sumailalim ang bagahe sa X-ray, K-9 sniffing, at 100% physical examination, kung saan dito nadiskubre ang shabu na nakasiksik sa range tool’s at mga personal na kagamitan ang hinihinalang shabu.
Sasailalim sa seizure at forfeiture proceedings ang mga nasamsam na bagahe habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pasahero para sa posibleng paglabag sa R.A. No. 9165 (Comprehensive Drug Act), at R.A. 10863-Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).