NALAMBAT ng mga awtoridad ang apat na indibidwal matapos ang isang araw na anti-illegal drug operations sa Lucena City, Macalelon, Pitogo, at Sariaya, Quezon.
Ayon kay Police Colonel Ledon Monte, provincial director ng Quezon Police, mula Disyembre 10 hanggang 11 ay nahuli ang mga suspek na kinilalang sina alyas Jonathan/Atan, alyas Jofer, alyas Ruben, at alyas Victorio/Jack.
Nakuha sa mga suspek ang 16.28 gramo ng ilegal na droga na may street value na mahigit 336,000 piso.
Nasa kustodiya na ng Police Stations Custodial Facility ang mga suspek na kakasuhan ng paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article 2 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tiniyak ni Monte na masinsinan nilang susupilin ang mga nagsu-supply, nagbebenta o gumagamit ng ilegal na droga upang matamo ang “drug-free” na Quezon Province para sa kapakanan ng mga kabataan.