ISANG pagpupulong ang isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) kasama ang National Price Coordinating Council (NPCC) nitong Huwebes.
Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang sitwasyon ng presyo at suplay ng mga basic necessities at prime commodities gaya ng gulay, fresh meat, asukal at bigas.
Gayundin ang mga essential medicine, presyo ng produktong petrolyo maging ang liquefied petroleum gas (LPG).
Tiniyak ni DTI Secretary Alfredo Pascual ang lahat ng nabanggit na produkto ay stable ang presyo sa mga pamilihan at walang dapat ikabahala ang mga konsyumer dahil stable ang presyo nito sa mga merkado.
Sa kabila niyan, ipinaalam pa nito na marami na sa mga manufacturer ang humirit ng taas-presyo sa mga produkto gaya ng canned sardines, gatas, tinapay, instant noodles, canned meat, laundry soap, asin, soy sauce, toilet soap at kandila.
Paliwanag ng kalihim, hindi ibig sabihin na kapag humiling ang mga manufacturer ng taas-presyo ay agad itong pagbibigyan ng ahensya.
Paglilinaw ni Pascual, dadaan pa ito sa masusing pag-aaral dahil kailangan itong balansehin na hindi maagrabyado ang mga mamimili.
Aniya, posibleng ilabas sa 2023 ang pinal na desisyon kung dapat na muling itaas ang presyo ng mga naturang produkto.
Humihirit aniya ang mga manufacturer ng 1 hanggang 10 percent na price increase sa nabanggit na mga produkto.
Matatandaan, buwan ng Agosto 2022 nang magpalabas ng bagong SRP bulletin ang DTI upang maging gabay ng mga mamimili.