HINIMOK ng Senado ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban ang plano nitong pag-phaseout ng mga tradisyunal na jeepney sa Pilipinas sa Hunyo 30.
Pinagtibay ng mga senador araw ng Martes, Pebrero 28, 2023, ang Senate Resolution No. 507, na mahigpit na humihimok sa LTFRB na suspendihin ang planong pag-phaseout habang hinihintay ang pagresolba sa mga balido at isyu ng mga apektadong operator at tsuper hinggil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.
Inakda at itinaguyod ni Committee on Public Services chairperson Sen. Grace Poe ang panukala na tumutukoy sa pagpapatupad ng memorandum circular ng LTFRB na nagbibigay sa mga tradisyunal na jeep hanggang Hunyo 30, 2023 upang dumaan sa mga kalsada sakaling mabigo ang kanilang mga operator na sumali o bumuo ng isang kooperatiba o korporasyon.
Sa session sa Senado ay nagpalitan ang mga senador sa paghayag ng suporta sa pagpapaliban ng deadline.
Partikular na ipinunto ng mga mambabatas ay hindi anila madali para sa mga jeepney operators na maglabas ng P2-M para makabili ng modern jeep at ang kawalan ng pinal na route rationalization plan.
Itinaas din ni Poe, na nanguna sa maraming pagdinig ng komite sa PUVMP, ang kawalan ng route rationalization plan mula sa LTFRB, na isang kinakailangan upang matukoy ang mga ruta para sa mga modernong jeep.
“Based on their 2023 budget submission … ang pag-aaral na ipinangako nito. To enforce a deadline is not only insanity but also inhuman,” ani Sen. Grace Poe, chairperson, Committee on Public Services.
Ang hakbang ng Senado ay kasunod sa inanunsiyong tigil pasada ng ilang transport groups mula Marso 6-12 para ihayag ang kanilang pagtutol sa nasabing deadline para sa Jeepney Modernization Plan.
Matapos ang paghayag ng suporta ng lahat ng mga senador para sa pagpapaliban ng deadline ay inaasahan na agad naman magkakaroon ng hearing patungkol dito sa araw ng Huwebes.