Huli na ang lahat: Imbestigasyon ng Senado sa pagdakip kay Duterte, wala nang silbi?

Huli na ang lahat: Imbestigasyon ng Senado sa pagdakip kay Duterte, wala nang silbi?

MARSO 20, 2025 – Huli na ang lahat. Ganito inilarawan ni Senador Christopher “Bong” Go ang kasalukuyang imbestigasyon ng Senado hinggil sa pagdakip at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Sa kanyang matinding pahayag sa Senado, mariing tinanong ni Go kung paano at bakit nauwi sa ganitong sitwasyon ang bansa.

“Meron naman tayong umiiral na hustisya sa bansa. Meron naman tayong sariling batas at korte. Bakit pinayagan ng gobyerno natin na dakipin ang isang Pilipino sa sarili nating bayan?” aniya.

Ngunit para kay Go, kasabay ng pagsisimula ng imbestigasyon ay ang malupit na katotohanan—wala nang magagawa ang Senado upang maibalik si Duterte.

“Sabi nga ng nakararami, too late the hero. Ano bang pwede pang magawa? Si Tatay Digong ay nasa The Hague na,” dagdag pa niya.

KULANG SA AKSYON, KULANG SA PROTEKSYON

Iginiit ni Go na hindi siya tutol sa pagdinig ng Senado, ngunit aniya, ang dapat sanang naging pokus ay ang pagpigil sa pangyayaring ito bago pa man ito maganap.

“Useless lahat ng hearing na ito kung hindi na maibabalik si Tatay Digong,” ani Go. “Kung kaya niyong dalhin doon sa loob ng 13 oras, dapat kaya niyo rin siyang ibalik dito sa lalong madaling panahon.”

Isiniwalat din niya ang umano’y kapabayaan sa kalusugan ng dating Pangulo, na 80 anyos na at may iniindang mga karamdaman. Ayon kay Go, hindi pinayagan ng mga awtoridad ang doktor ni Duterte na makapasok sa NAIA noong gabi ng kanyang pag-alis, kahit pa may naka-schedule itong medical check-up.

“Twenty-seven po ang kanyang gamot, ako mismo ang nagpapadala sa bahay niya. Sana po ay matiyak na natatanggap niya ang kanyang kinakailangang gamot habang nasa ibang bansa,” dagdag niya.

SINO ANG SUSUNOD?

Higit sa kapalaran ni Duterte, iginiit ni Go na ang mas malaking usapin dito ay ang soberanya ng bansa at ang seguridad ng bawat Pilipino.

“Kung nagawa nila ito sa isang dating Pangulo, sino ang susunod? Isang ordinaryong Pilipino? Isang OFW?” aniya.

Binigyang-diin din niya ang kawalan ng respeto sa bansa sa gitna ng pangyayaring ito.

“May sarili tayong hustisya, may sarili tayong batas, pero parang binigay natin sa dayuhan ang kapangyarihang husgahan tayo,” sabi pa ni Go.

HULI NA NGA BA ANG LAHAT?

Sa kabila ng matinding emosyon sa Senado, nananatili ang tanong—may magagawa pa ba ang imbestigasyong ito upang mabawi si Duterte? O mananatili na lang itong isang huli ngunit walang saysay na hakbang?

Para kay Go at sa iba pang mga tagasuporta ng dating Pangulo, isa lang ang tiyak—ang nangyari noong Marso 11 ay isang malungkot na araw para sa kasaysayan ng Pilipinas, at sana raw ay hindi na ito maulit kailanman.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter