WALANG tigil ang mga awtoridad sa pagwasak ng mga iligal na marijuana sa Kalinga Province nitong nakaraang araw kung saan ay nasa humigit kumulang P100-M halaga ng marijuna ang sinunog sa nasabing probinsiya.
Kilala ang Kalinga Province na isa sa mga malaking supplier o pinagkukunan ng marijuana na kadalasan ay binabagsak sa Metro Manila, karatig rehiyon at lalawigan.
Libu-libong ektarya ng iligal na droga ang nasira ng Police Drug Enforcement Group (PDEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa probinsiya.
Nitong Huwebes lang umabot sa 22,500 square meters o piraso ng mga fully grown na marijuana ang sinira ng PDEA at PDEG sa pangunguna ni PBrigGen Remus Medina.
Umabot sa 420 kilos ang mga sinunog na marijuana na nagkakahalaga ng P95,400,000.00.
Natagpuan ang mga ito mula sa pitong magkakaibang taniman sa Brgy. Loccong, Tinglayan, Kalinga Province.
Wala namang naabutang cultivator o taga pangalaga sa pitong sites na pinagtaniman.
Malaking dagok ang hatid ng iligal na droga kung hindi ito nasira ng mga awtoridad at nakalusot sa mga komunidad.
Kaya naman, pinapurihan ni General Guillermo Eleazar ang matagumpay na operasyon at humihingi ito ng kooperasyon.
“Hinihingi namin ang tulong at suporta ng publiko upang mas maging matagumpay ang aming kampanya kontra droga,” PGen. Guillermo Eleazar Chief, PNP.
Ang pagsira sa humigit kumulang P100-M halaga ng marijuna ay isa lamang sa resulta ng mas pinaigting at mas pinalakas na kampanya kontra iligal na droga.