DUMALO ang nasa 217 matataas na tao mula sa buong mundo sa naging state funeral ngayong araw ng dating Prime Minister ng Japan, na si Shinzo Abe.
Ginanap ang state funeral ni dating Prime Minister Shinzo Abe sa Nippon Budokan sa Central Tokyo kaninang alas dos ng hapon na nagtagal ng isang oras at kalahati.
Dinaluhan ito ng mga dignitaryo mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang mga kaalyado ni dating Prime Minister Shinzo Abe sa bukas at malayang Indo Pasipiko na sina former PM Theresa May ng Britain, tatlong dating PM ng Australia kabilang si Malcom Turnbull, at ang kasalukuyang Prime Minister nito na si Anthony Albanese, Indian Prime Minister—Narendra Modi, Canadian Prime Minister —Justin Trudeau, at Singaporean Prime Minister—Lee Hsien Loong.
Pinadala rin ng China si Wan Gang, Vice Chairperson of the National Committee of the Chinese People’s Consultative Conference, Chairperson ng Taiwan-Japan Relations Association—Su Jia-Chyuan, Special Representative ng Russian President sa International Cultural Cooperation na si Mikhail Shvydkoy, at ang iba pang liderato mula sa siyam na bansa at mga representative ng international organization ay dumalo rin.
Sa Pilipinas ay si Vice President Sara Duterte naman ang naging representante ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kung saan nagkaroon din ng pagkakataon ang pangalawang pangulo na magkaroon ng bilateral na pag-uusap kasama si Japanese Prime Minister Fumio Kishida.
Samantala, kagaya ng tradisyon, hindi dumalo ang Imperial Family, subalit nagpadala ito ng envoy, bilang respeto sa pamilyang namatayan.
Ang naging seremonya ay ang kauna-unahan at pinakamalaking pangyayari sa Japan na ginanap sa publiko matapos nagpatupad ng bagong police security guidelines ang Metropolitan Police District dahil sa nangyaring pagpatay kay dating PM Shinzo Abe, noong Hulyo 8 nitong taon.