ILAN pang fixer sa mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang naaresto sa Bulacan at Bicol Region.
Ito ay sa gitna ng pinalakas na kampanya ng LTO laban sa mga indibidwal at grupo na sangkot sa fixing at red tape activities sa ahensya.
Ayon sa LTO, apat na fixer na nag-ooperate sa LTO field offices sa Bocaue at Sta. Maria, Bulacan ang naaresto sa sabay-sabay na entrapment operation noong Disyembre 7, matapos makatanggap ng reklamo ang LTO Region 3 ukol sa mga aktibidad ng mga ito.
Habang isang 37-anyos na suspek ang inaresto base sa reklamo na isa itong fixer na nag-ooperate malapit sa LTO Naga District Office at nag-alok na iproseso ang lisensya ng in-law ng complainant kapalit ng pera.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na ang mga suspek ng dalawang insidente upang malaman kung may mga kasabwat ang mga ito sa LTO offices kung saan sila naaresto.
Habang sinampahan na rin ang mga suspek ng kasong kriminal.
Muli namang nanawagan si LTO chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade sa publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga fixer at tulungan sila na sugpuin ang mga ito.