Ilang LGUs sa Metro Manila, inilatag ang guidelines sa ayuda

Ilang LGUs sa Metro Manila, inilatag ang guidelines sa ayuda

NAKAHANDA nang mamahagi ng ayuda ang ilang lungsod sa Metro Manila kasunod ng pagpapatupad  ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) pero paalala  ng mga alkalde ay kailangan sundin ang panuntunan dito.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maaaring magsagawa ng lockdown kapag walang ayudang ibibigay sa mga kababayan na maapektuhan ang kanilang hanap-buhay araw-araw.

Sa Navotas City, ang mga persons with disability o iyong may kapansanan, solo parents ay kinokonsiderang isang benepisyaryo lang ngunit isang libo lamang ang ibibigay sa kanila.

Ang mga pamilyang namatayan ng breadwinner o nasa ibang lugar ay mabibigyan pa rin ng tulong pinansyal pero dapat ibawas ang P1,000 na para sa kanila.

Dagdag nito, magsisimula ang pay-out sa Miyerkules, Agosto 11 at kailangan lamang hintayin ng bawat indibidwal ang kanilang mga pangalan para sa kanilang schedule o venue ng pay-out.

Sa gitna ng lockdown, aabot sa P197-M ang inilaan na pondo ng gobyerno para sa  Navotas City.

Sa Caloocan city, by batch naman ang kanilang pamimigay ng ECQ ayuda.

Sa inilabas na guidelines, ang mga wala sa listahan na kabilang sa unang batch ay kailangan munang hintayin ang susunod na list of beneficiaries.

Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang  kanilang mga benipisyaryo na sundin ang bawat detalye na nakasaad tulad ng pay-out venue, oras at araw.

Paalala  ng alkalde na sumunod sa minimum health standards sa pag-claim ng ayuda at panatilihin ang pagsusuot ng facemask at face shield.

Samantala, idadaan naman ng Muntinlupa LGU sa GCash ang pamamahagi ng ayuda.

Ito ay upang maiwasan ang hawaan sa COVID-19.

Kailangan lamang i-download ang nasabing app at magkaroon ng sariling account, para naman sa verification ng GCash kailangan kumuha ng selfie sa app at maghintay lamang ng ilang minuto para maging fully verified.

Ibinahagi naman ng lokal na gobyerno ng Valenzuela City sa kung sinu-sino ang makakatanggap ng ayuda, batay sa joint memo ng DILG, DND at DSWD.

Ang mga dating benipisyaryo ng ayuda na nakatanggap ng cash assistance noong Abril at Mayo 2021 habang ang mga low-income individuals at pamilya na pisikal na ninirahan sa lungsod noong idineklara ang ECQ at ang mga benipisyaryo ng 4Ps ay makakatanggap din.

Aabot naman sa P1,000 ang makukuha ng bawat indibidwal, P2,000 para sa 2 tao sa pamilya, P3,000 para tatlong tao sa pamilya at P4,000 para sa 4 pataas na tao sa pamilya.

Ang listahan ng mga benipisyaryo maging ang schedule ng pay-out ay ilalabas sa social media page ng nasabing LGU, bisitahin lamang ang valenzuelacitygov.com

Magdala lamang ng quarantine pass, ValTrace Qr Code at sariling ballpen at siguraduhing sumunod sa safety standards.

Kung ikaw naman ay residente ng Valenzuela at hindi nabigyan ng ayuda ngunit tingin mo ay nararapat kang tumanggap o kaya naman ay kulang ang natanggap na ayuda maari itong umapela sa Grievance and Appeals Committee.

Matatandaang, umabot sa kabuuan P10.89-B ang budget pang ECQ ayuda sa NCR na uumpisahang ipamahagi bukas, araw ng Miyerkules.

SMNI NEWS