Ilang manggagawang Pilipino, nawalan ng trabaho dahil sa AI—DOLE

Ilang manggagawang Pilipino, nawalan ng trabaho dahil sa AI—DOLE

SA ginanap na National Employment Summit sa Manila Hotel, aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na isa sa hamong kinakaharap ngayon ng sektor ng paggawa ay ang pag-employ ng artificial intelligence (AI).

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, mayroon nang mga Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa A.I.

“Mayroon na. Nakikita na rin natin po ito hindi lang siguro sa mga matatawag nating elementary o manual occupations kasi ito ang unang maapektuhan ng employment o pagkakaroon ng artificial intelligence,” pahayag ni Secretary Bienvenido Laguesma, Department of Labor and Employment (DOLE).

Batay sa datos na ibinahagi ng DOLE, may mga kompanyang nagbawas ng empleyado mula Enero hanggang Abril ng 2024 na aabot sa 81 manggagawa dahil sa paggamit ng tinatawag ng labor saving devices.

Karamihan sa mga establisyementong pinagtra-trabahuan ng mga ito ay mula sa services activities sector, professional, scientific at technical service activities sector, at administrative and support service activities sector.

Sabi ni Laguesma – hindi maitatanggi na sa anumang technological advancement ay mayroon talagang mawawalan ng trabaho.

Ang tanong – may dapat bang ipangamba dito?

“Hindi natin sasabihin na walang dapat ika nga ay paghandaan o pangambahan. Subalit dapat nating tanggapin na naririyan na ito. Ang kinakailangan siguro ang ating gagawing hakbangin ay hindi ‘yung palayo, kundi lapitan natin, tingnan natin, pagtulung-tulungan natin at iyan ang isa sa mga kadahilanan kung bakit itong National Employment Summit ay ginagawa natin ngayon,” ani Laguesma.

DOLE, tiniyak ang sapat na trabaho sa gitna ng mga umuusbong na mga bagong teknolohiya

Iginiit naman ni Laguesma na ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya ay magdudulot din naman ng mga oportunidad para sa mga bagong trabaho.

“Pero mayroon ding mga opportunities o mga bagong pwede nating makita na mga hanapbuhay kaya mahalaga na ang ating pakikipag-ugnayan sa mga namumuhunan, sa mga industry association, ay tuluy-tuloy nating gawin para ‘yung kanilang manpower requirements matugunan natin,” aniya.

Kaugnay nga niyan ay lumagda sa isang Memorandum of Agreement ang DOLE, Employers Confederation of the Philippines, at iba pang mga pribadong kompanya para sa pagkakaroon ng sapat at de-kalidad na mga trabaho ngayong panahon na patuloy na umuusbong ang mga bagong teknolohiya.

“Hindi lamang simpleng trabaho, de-kalidad, disente, remurative. Siyempre nabanggit din kanina dapat pati rin ‘yung green jobs tumutukoy sa mga kaganapan sa ating kalikasan o environment,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble