Ilang motorista na hindi umano dumaan sa EDSA busway, pumalag na sa ginawang panghuhuli ng mga awtoridad

Ilang motorista na hindi umano dumaan sa EDSA busway, pumalag na sa ginawang panghuhuli ng mga awtoridad

UMAGA ng Lunes ay tumaas na ang tensiyon sa pagitan ng ilang motorista at tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) sa ginawang operasyon sa EDSA-Ortigas southbound busway.

Iginiit kasi ng ilang motorista na hindi sila dumaan sa busway na ipinagbabawal sa batas.

Katulad na lamang ng motoristang na tumangging ibigay ang kaniyang lisensiya dahil hindi naman aniya siya dumaan sa naturang kalsada.

“Gilid po ako, alam kong bawal dito, strikto po tayo dito. (Sir, hindi ka po talaga dumaan diyan?) Hindi po,” saad ng natiketan na motorista.

“Wala naman akong violation. Hindi niyo puwedeng itanggi dahil kitang-kita sa video nakita naman. Pinakita sa akin, kahit, sila nga nakakita nasa gilid ako tapos. (Actually, hindi dapat namin ipapakita dito kasi ang office natin doon ang reklamo natin sa LTO hindi dito). Grabe ka naman. (Kayo ang grabe kasi inaabala niyo ang operasyon namin, pinapakita naman sayo, prinovide naman sa’yo, ayaw mo pa rin maniwala),” dagdag ng motorista.

Pero, nanindigan ang taga-SAICT na nahuli talagang dumaan ang motorista sa busway.

Sapul sa video ang motoristang nasa loob ng busway na habang papalapit ito ay bigla na lamang itong lumabas sa bus lane.

Dahil sa matibay ang video na kuha ng ahensiya walang nagawa ang motorista kung hindi ibigay ang lisensiya nito at matiketan.

Sa iba pang video kitang-kita rin ang mga motoristang ito kung paano nila binabaybay ang EDSA-Ortigas southbound busway.

Ang motoristang nasa unahan agad lumabas sa loob ng bus lane matapos makita ang mga tauhan ng SAICT.

Sinita ito ng SAICT ngunit nagmamatigas ito dahil hindi aniya ito dumaan sa bus lane.

Ilang segundo lamang ay sumunod na lamang ito at naglabas na ng kaniyang hinaing sa pagsita sa kaniya ng SAICT.

“Wala naman akong kasalanan doon, nasa motorlane ako. Mag-contest ka na lang sa LTO, bakit ako magco-contest sa LTO? Kaya nga, patiketan na lang ‘yan, ano pa ba ang kailangan natin kung gusto niyong patiketan nasa motor lane ako,” natiketan na motorista.

Pero, hindi pa rito natatapos ang problema sa motoristang ito dahil inireklamo rin ito ng drayber ng SUV na nabangga nito.

Paliwanag ng SUV driver, bigla siyang binangga ng motor nang lumabas ito sa bus lane.

“’Yung maggo-go na kami, galing sa kanan ko dito na lang siyang sumingit at nagulat na lamang ako at bigla natamaan ang kotse ko niwra-wrap niya motor niya parang nahihila ‘yung kotse ko kaya nasabit. Kaya, nag-stop ako tapos habang tumakas siya tapos nakita ko ‘yung kotse ko na natupi,” ayon sa SUV driver.

Pinagbabayad ng SUV driver ang motorista ng P2,000 para sa insurance ng sasakyan, ngunit tumaas na ang boses ng motorista at sinabing nasira din ang kaniyang motor dahil sa pagsagi nito.

“Talagang magsisingit talaga ‘yan dahil mga motor ‘yan. Hindi mo naman maiwasan, kung motor lane na ‘yan hindi ko na problema kung magugulat kayo,” natiketan na motorista.

“Nabangga mo nga ako ayan nabasag, paano mo nasabi na nasagi na nasa unahan ako?” aniya.

Sa huli, nakipag-areglo na lamang ang SUV driver at pinayuhan ang motorista.

“Kung puwede sana huwag na niya gawin sa susunod ‘yun lang ang pakiusap,” wika ni SUV driver.

Sa huli, paaalala ng Transportation Department na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaan sa EDSA bus lane maliban na lamang kung ito ay sasakyan ng matataas na opisyal ng ahensiya gaya na lamang ng Presidente at Bise Presidente gayundin ang ang mga emergency vehicle.

Maaaring pagmultahin ng P5,000 para sa first offense, P10,000 para sa second offense at isang buwan na suspensiyon ng lisensiya at hanggang P30,000 naman sa 4th offense at posibleng rebokasyon ng lisensiya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble