Ilang pasahero sa PITX, inagahan ang biyahe ilang araw bago ang Pasko

Ilang pasahero sa PITX, inagahan ang biyahe ilang araw bago ang Pasko

NATUTO na si Aling Gina mula sa kanilang karanasan nakaraang taon na hirap silang pamilya na makasakay sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) pauwi sa Quezon Province.

Kaya mas pinili na nilang bumiyahe nang maaga upang maiwasan ang inaasahang mas maraming biyahero habang papalapit ang Pasko.

‘’Wala na. Kami lang nakiusap lang minsan sa konduktor kasi wala nang bibiyahe. 10:00 na ata yun ng gabi. Nakiusap na lang kami. Kaya kami inaagahan na namin ngayon,’’ ayon kay Gina Casulla.

Sabi ng PITX na may iilang biyahe na ang fully-booked lalo na ang pa-Bicol.

Pero pagtitiyak ng pamunuan ng PITX na may mga available pa na mga bus.

‘’We’re actually in contact sa with the operators para sa number ng supply nila ng mga units. And we assure na lahat naman makakasakay pabalik sa kanilang mga probinsiya,’’ saad ni Arnold Yuson Terminal Operations Manager PITX.

Samantala, sa isinigawang inspeksyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa PITX kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG), naluluwagan sila sa seguridad sa nasabing terminal.

‘’We will remind the management considering na may threat ngayon ng terrorism, siguro dapat taasan nila ng konti ang kanilang seguridad especially sa mga pasahero, sa mga sumasakay. Medyo naluluwagan tayo ng konti doon sa seguridad. Dapat lang dagdagan,’’ ani Usec. Procopio Lipana General Manager MMDA.

Para naman sa DILG, hindi lang dapat iniinpeksyon ang mga bagahe ng mga pasahero papasok sa terminal.

Dapat rin anila inspeksyunin ang mga dala nito pagsakay sa bus.

Ito ay para matiyak na walang anumang bitbit na ipinagbabawal na gamit tulad ng baril.

‘’Ideally ganoon dapat. Pero naiintindihan natin ang resources, ang ating law enforcement ay kulang din. Kaya dapat talaga tulungan,’’ ani Usec Oscar Valenzuela DILG

Sabi naman ng PITX, may plano na silang magdadag ng security personnel.

‘’That’s the plan sir. And that’s actually na gusto natin mangyari sir na dagdagan yung ating security personnel natin from the PNP, from the LGU, and of course from PITX itself,’’ Arnold Yuson Terminal Operations Manager PITX.

Patuloy din anila silang makikipag-coordinate sa Philippine National Police (PNP) upang paigtingin pa ang seguridad sa PITX.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble