MAAGANG dumating sa polling precinct ang ilan sa mga opisyal sa Davao City, partikular na sa Buhangin Central Elementary School.
Naunang bumoto ang nakatatandang apo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Omar Duterte, na anak ni Rep. Paolo Duterte sa una nitong asawa.
Ilang oras lang ay sumunod naman na dumating si Presidential Assistant for Mindanao Sec. Leo Magno para bumoto.
Mga opisyal sa mga mananalo ngayong halalan: Tuparin ang inyong mga pangako sa taumbayan
Hangad naman ni Magno na sana ay tuparin ng mga mananalong opisyal ang kanilang mga pangako sa taumbayan.
Samantala, humabol naman ilang minuto bago pa man opisyal na magsara ang botohan si Sen. Christopher “Bong” Go, pabirong paliwanag nito na nasira ang kaniyang sapatos kaya natagalan ito.
Ngunit may payo naman si Sen. Go sa mga mananalong opisyal lalong-lalo na sa mga kabataan.
“Sa lahat ng mananalo, congratulations, unahin nyo po ang kapakanan ng ating mga kababayan. Public service, public office is a public trust po ‘yan. Huwag nyo pong sayangin ang tiwala ng ating mga kababayan sa inyong lahat. Sa mga SK naman, pag-asa kayo ng ating bayan, malayo po ang inyong mararating basta’t unahin nyo lang ang pagmamahal at pagserbisyo sa ating mga bayan,” payo ni Sen. Christopher Bong Go.
Samantala, matiwasay naman na natapos ang halalan sa Buhangin Central Elementary School at walang malaking aberyang naitala.