KASALUKUYAN nang gumugulong ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa ilang personnel nito na sangkot sa online sabong.
Batay sa rekord ng Directorate for Investigation and Detective Management, umabot sa pitong reklamo ang natanggap ng naturang tanggapan na kinasangkutan ng mga tauhan ng PNP mula Enero 1 hanggang Pebrero 21, 2022.
Batay sa datos, tatlo dito ay nakadestino sa Police Regional Office 4A, isa sa Regional Office Bicol, isa mula sa Eastern Visayas, isa naman ay galing ng Highway Patrol Group, habang may isa rin na nanggaling sa National Capital Region (NCR).
Tatlo dito ay kasalukuyang nahaharap sa administrative complaint of unbecoming of police officer dahil sa kabiguan nitong tuparin ang kanilang tungkulin at nagbigay ng kahihiyan sa imahe ng PNP.
Habang ang iba naman ay mahaharap sa Administrative Case of Grave Misconduct.
Kaugnay nito, kinilala si Police Staff Sergeant Jeffrey Cabelin ng PRO8 na suspendido ngayon sa loob ng 60 araw dahil sa pagkakasangkot sa nasabing iligal na sugal.
Si Staff Sergeant Hason Togana Jr. naman ng HPG ay naparusahan ng 6-month suspension.
Habang si Police Corporal Moises Yango ay nadismiss mula sa serbisyo.
Umaasa si PNP Chief Police General Dionardo Carlos, na magsilbi itong babala sa marami pang mga police officer na umiwas sa iligal na aktibidad upang mapigilang huwag maparusahan sa serbisyo.
“This should serve as a lesson to their fellow police officers. There is no room for illegal gambling to thrive in the organization. It is unfortunate that we received complaints regarding their involvement in e-sabong, but they must face the consequences of their actions, no matter what their rank is,” pahayag ni Carlos.
Nanindigan si Carlos na hindi magandang huwaran sa iba pang kawani ng organisasyon ang anumang iligal na aktibidad gayong malayo ito sa sinumpaang tungkulin bilang isang pulis.
“It doesn’t give a good example to the public as law enforcers,” ayon pa kay Carlos.