MARIING tinutulan ng Tsina ang mga mabigat na akusasyon na iniugnay sa kanilang bansa, kabilang na rito ang mga paratang ng espionage o paniniktik.
Sa isang pahayag, inihayag ng Chinese Embassy na kinukondena nila ang anumang hadlang sa normal na operasyon ng isang diplomatic mission.
“We are strongly against the heinous accusation towards China and condemn the obstruction of the normal functioning by a diplomatic mission,” pahayag ng Chinese Embassy in the Philippines.
Napansin din ng embahada ang mga pagtatangkang gamitin ng ilang mga politiko ang tinatawag na “China card” para maisulong ang kanilang sariling interes sa politika at mapalakas ang kanilang tsansa sa darating na midterm election.
“We noticed the attempts of some politicians to play the so-called China card to serve their political self-interests and boost their election prospects before the midterm election,” dagdag ng Chinese Embassy in the Philippines.
Ayon sa embahada, ang mga ganitong hakbang ay hindi lamang kasuklam-suklam, kundi tiyak na mabibigo.
“Such attempts are despicable and doomed to failure,” dagdag pa ng Embassy.
Ang pahayag ay nag-ugat sa sinabi ni Sen. Francis Tolentino ukol sa umano’y Chinese spies o sleeper agents na nakapasok umano sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas at posibleng nasa mataas na posisyon pa.
Iginiit ng Chinese Embassy na ang mga akusasyong ito’y hindi makatwiran at naglalayong sirain ang maayos na ugnayan ng Tsina at Pilipinas.
Una nang iginiit ng Chinese Embassy na sila’y sumusunod sa “principle of non-interference” sa mga internal na gawain ng ibang bansa. Nilinaw ng embahada na wala silang interes na makialam sa eleksiyon sa Pilipinas.
Follow SMNI News on Rumble