WALA pang katao-tao ang Andres Bonifacio Integrated School, isa sa mga vaccination site ng Mandaluyong City ngayong umaga.
Hindi raw tulad dati sa unang round ng National Vaccination Drive na dinagsa ng mga nais magpa-booster.
Paliwanag ng Mandaluyong LGU, halos tapos na raw kasi sila na mabakunahan ang 100% target sa kanilang eligible population.
May iba rin daw na namimili ng brand ng booster shot kaya hindi pa nagpapabakuna.
“Unang una, halos tapos na ang Mandaluyong at 3 months ago, naka 100% na kami. Dineclare na ni DOH na mayroon na kaming population control or herd immunity,” ayon kay Jimmy Isidro, spokesperson, Mandaluyong City Government.
Magdedeploy pa rin mga bakuna para sa first at second dose, pediatric vaccination, at booster shots ang lahat ng sites sa lungsod. Pwede rin ang walk in.
“Pwede ang walk-in. Tinatanggap ni Mayor. Kasi ayaw ni Mayor na may umuwi pa na hindi nabakunahan. Nandiyan na rin lang, babakunahan namin niyan,” ayon kay Isidro.
Binuksan ng LGU ang kanilang mga vaccination sites para sa tatlong araw na malawakang bakunahan kabilang na ang apat na mall at limang paaralan.
Narito ang vaccination sites ng Mandaluyong City:
Red Carpet Cinema (Shangri-La Mall)
SM Megamall Cinema 7 & 8 at Megatrade Hall
Starmall EDSA-Shaw
Robinsons Forum
Andres Bonifacio Integrated School
Jose Rizal University
Pedro P Cruz Elementary School
Addition Hills Integrated School
Rizal Technological University
Samantala, ibinahagi naman ni Mayor Menchie Abalos na patuloy na bumababa ang active cases ng COVID-19 sa lungsod.
Kahapon ay nakapagtala lamang ng 2 kaso ang LGU. Sa kabuuan nasa labing apat lamang ang aktibong kaso sa lungsod.
Paliwanag ni Abalos na malaking tulong ang pagbabakuna sa kanilang eligible population at sa mga non-residents na nagtatrabaho sa kanilang lungsod sa pagbaba ng kaso ng virus.
“Cases in the city have gone down since we’ve vaccinated more than half of the city’s population and non-residents working here. It’s proof that the vaccines are working to prevent severe cases,” pahayag ni Abalos.
Patuloy naman na hinihikayat ng alkalde ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na sa ikalawang yugto ng vaccination drive.
Upang hindi magdagsaan ang mga tao sa vaccination site, inaabisuhan lahat ng mga residente na tatanggap ng second dose at booster shots na sundin ang mga vaccination schedule na ibinigay sa kanila.