PINAGHAHATAK ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga sasakyang iligal na nakaparada sa alternate routes para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Simula kahapon, ikinasa ng MMDA ang clearing operations sa mga alternatibong ruta upang tanggalin ang lahat ng road obstructions kabilang na ang mga sasakyang iligal na nakaparada.
Sa kabila ng buhos ng malakas na ulan, tuloy ang clearing operations ng MMDA sa ilang alternate routes sa Quezon City bilang paghahanda sa SONA ni Pangulong Marcos sa darating na Lunes.
Sa Maginhawa St. at V. Luna Extension, naabutan ng clear ops team ang mga sasakyang iligal na nakaparada.
Dahil unattended ang mga sasakyan, tinow na ang mga ito.
Maging ang mga public tricycle na nakaparada sa mga sidewalk, hindi nakaligtas sa operasyon habang ang ilan naman ay tiniketan lamang ang drayber.
Ayon kay Col. Bong Nebrija ng New Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit, aaraw-arawin nila ang paggalugad sa mga alternatibong ruta.
“Simula nga noong Lunes, aaraw-arawin natin ‘to even on weekends para by Monday mayroon tayong alternatibong ruta na maipepresenta sa mga motorista at mga commuters na may pwede nilang gamit, gamitin na unobstructed at maluwag,” ayon kay Nebrija.
Ilang mga motorcycle driver naman na may suot na substandard na helmet ang binigyan ng mga bago.
Nakipag-ugnayan din ang MMDA sa Quezon City LGU at sa mga barangay upang mapanatili na car-free ang mga ruta.
Hanggang kaninang alas 7:00 am, 22 sasakyan ang natow habang 38 naman ang natiketan dahil sa illegal parking.
“Pakiusap na lang po namin ang kooperasyon ng bawat isa. Hindi po kami dito para kunin lang ‘yung mga sasakyan ninyo o pahirapan kayo o perwisyuhin kayo. Nandito po kami para ibalik natin ang mga kalsadahan sa tamang gumagamit nito which are moving traffic at saka ‘yung sidewalk natin para sa mga naglalakad nating mga kababayan. ‘Yun lang ibalik lang natin ang kaayusan at pati kalinisan na rin sa ating kapaligiran,” payo ni Nebrija sa publiko.