NASA mahigit 30 araw nang nakaangkla ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal (Sabina Shoal) na nasa halos 300 kilometro lang ang layo sa Palawan.
Ito na ang pinakamatagal na deployment ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ito ng coast guard para pigilan ang China na muling makabuo ng artipisyal na isla sa lugar.
Napag-alaman kasi ng PCG na tinambakan ng mga basag na corrals ang Escoda Shoal at hinihinalaang kagagawan ito ng China.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG for West Philippine Sea na ang nangyari sa Escoda Shoal ay kahalintulad lang din ng nangyari sa Sandy Cay.
“Nakita naman natin dito sa Escoda Shoal is also the same characteristics of dumping of crashed corrals na nakita ni Dr. Anticamara ng marine scientists natin from BFAR and Department of Agriculture sa Sandy Cay nitong nakaraang Marso so we have all the reasons to believe na itong mga ipinakita natin ay hindi lamang chismis, hindi lamang gawa-gawa” pahayag ni Comm. Jay Tarriela, Spokesperson for WPS, PCG.
Sinabi ng PCG na naroon pa rin sa lugar ang tatlong research vessels ng China malapit sa Sabina Shoal sa WPS kaya todo-bantay ang coast guard dito.
Dagdag pa ni Tarriela, dahil sa presensiya ng coast guard ay hindi na nagsagawa pa ang China ng ilegal na aktibidad sa lugar. Hindi na rin aniya lumawak pa ang lugar na tinambakan ng corrals.
“Our mere presence there have already deterred the Peoples Republic of China in continuing their illegal reclamation because we haven’t notice any progress dito sa reclamation nila kung anong size ng reclaimed areas na pinagtambakan nila mula noon hanggang ngayon na nandun ang Philippine Coast Guard, hindi na lumaki” dagdag ni Tarriela.
Paliwanag ng coast guard, mahalaga na mapigilan ang China sa ginagawa nilang illegal reclamation activity sa Sabina Shoal dahil kung hindi ay magiging madali na lang para sa China na pigilan ang mga ginagawang operasyon ng mga sundalo sa lugar kagaya na lamang ng re-supply mission.
“Kung sakaling magiging successful sila in doing this reclamation in Sabina Shoal, it will be easier for them na tuluyang harangan ang ating resupply mission sa Ayungin dahil pinapagitnaan na siya ng dalawang area kung sakaling reclaim nila ang Sabina Shoal and it will be easier for them to deploy their vessels in countering of hindering the efforts of the Armed Forces of the Philippines and the Philippine Coast Guard” ayon pa kay Tarriela.
Tungkol naman sa tanong kung bakit hindi na lang maglagay ng mga barkong pandigma sa mga pinag-aagawang teritoryo.
“The primary reason why coast guard is the priority in terms of our deployment in the West Philippine Sea, it’s because of two reasons, one we don’t intend to militarize the issue in the West Philippine Sea, this is the primary objective why the coast guard vessels are being deployed in the West Philippine Sea. Second is we don’t want to provoke or to escalate the tension” aniya.