Iloilo LGU, nanawagan ng dagdag na COVID vaccines mula sa national government

Iloilo LGU, nanawagan ng dagdag na COVID vaccines mula sa national government

NANAWAGAN si Iloilo City Mayor Geronimo Treñas sa national government na pakinggan din sana nito ang ibang local leaders na nasa labas ng NCR Plus 8.

Umapela si Mayor Treñas na bigyan din ang ibang local government units (LGUs) tulad ng Iloilo ng karagdagang bakuna kontra COVID-19 lalo’t tumataas na rin ang bilang ng nagkaka-impeksyon sa kanilang lugar.

Ipinabatid ng alkalde ang pakiramdam nila na tila pinapabayaan sila ng pamahalaan at hindi pinaglalaanan ng mga bakuna kontra coronavirus.

“You can’t stop people from getting out now, people are out of jobs, they need money to buy food for their family. The only way we can stop the surge is for the national government to add more vaccines,” pahayag ni Treñas.

Pero depensa ng Malakanyang, maliban sa NCR Plus 8, ay ipinamamahagi rin ng national government ang mga bakuna sa iba’t ibang parte ng bansa.

Sa katunayan pa nga aniya, 32.2% lang ang napunta sa Metro Manila Plus areas.

Ipinaliwanag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ipinapatupad din ng pamahalaan ang utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magkaroon ng equitable distribution at damihan ang mga bakuna doon sa mga lugar na lumolobo ang mga kaso.

Mensahe naman ni Roque sa alkalde kaugnay sa pagtaas ng kaso ng COVID- 19 sa ilang lugar.

“At kay Mayor Treñas, isa po ako sa tini-text niya, I can assure Mayor Treñas na unfortunately pagdating po sa taas ng kaso, ang solusyon po talaga ay mask, hugas, iwas. At kabahagi ng solusyon siyempre po ang bakuna, pero kumakalat pa rin po ang COVID,” ayon kay Roque.

“Pero ang dahilan po talaga ng paglobo iyong kakulangan sa mask, hugas at iwas. Iyan na po ay established fact at saka iyong mga new variants, dahil nga sa new variants, mas nakakahawa,” dagdag ni Roque.

Sa kabilang dako, tiniyak ng pamahalaan na sapat pa rin ang hospital beds para sa mga pasyente ng COVID-19.

Patuloy naman nagpaalala ang Malakanyang na mag-ingat at ugaliin pa rin ang pagsunod sa health protocols kontra COVID- 19 lalo’t itong Delta variant ay mas nakakahawa at mas nakakamatay.

SMNI NEWS