WALA pang alas-singko ng hapon nang dumating sa Senado ang tatlong opisyal na impeachment complaint ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Bago ang transmittal ay inaprubahan ng Kamara sa plenaryo ang nasabing impeachment kung saan 215 kongresista ang bumoto pabor sa pagpapatalsik sa bise presidente.
Ang naturang bilang na ito’y mas mataas sa kinakailangang bilang ng mga mambabatas na dapat pumabor dito na nasa one third o 102.
Una sa lumagda para sa impeachment ay ang anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si Ilocos 1st District Representative Sandro Marcos.
Ilan sa dahilan ng impeachment ay ang P125M Confidential Funds ng Office of the Vice President (OVP) na maanomalya umanong ginasta.
Gayundin ang ilang isyu sa Department of Education (DepEd) nang magsilbi si Duterte bilang kalihim.
Sa panayam kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, inaasahan na niya na mailulusot sa Kamara ang nasabing impeachment.
Dahil naman sa mag-a-adjourn na ngayong araw ang Senado, ay posible aniyang pagkatapos pa ng eleksiyon tatalakayin ang reklamo laban sa bise.
Ito’y dahil na rin sa kailangan muna itong isumite at talakayin sa plenaryo.
Anito, lahat silang senador ay uupong hukom sakali’t ituloy ang trial sa impeachment.
Sa kabila aniya na malapit siya sa pangalawang pangulo ay tiniyak nitong magiging neutral ito sa isasagawang trial.
Samantala, inihayag naman ng kapatid ni VP Sara na si Congressman Paolo Duterte na nagkakamali ang Marcos Jr. administration na kung sa tingin nila’y walang magiging consequence o kapalit ang itinutulak nilang impeachment.
Hindi lang ito aniya tungkol kay VP Sara, kundi ito’y tungkol sa kagustuhan ng sambayanang Pilipino.
Ang lumalalang pagkadismaya at galit ng taumbayan ay hindi aniya mapipigilan at ang walang-ingat na pang-aabusong ito sa kapangyarihan ay hindi aniya papabor sa kanila.
“If the Marcos administration thinks it can push this sham impeachment without consequence, they are gravely mistaken.”
“This is not just about VP Sara Duterte—this is about the will of the Filipino people. The growing discontent and frustration across the country will not be contained for long. Mark my words: this reckless abuse of power will not end in their favor,” ayon kay Rep. Paolo “Pulong” Duterte, 1st District, Davao City.
Follow SMNI News on Rumble