HINARANG sa Korte Suprema ang implementasyon ng Executive Order (EO) No. 62 ni Pangulong Bongbong Marcos.
Inaasahan na sa linggong ito ay magiging epektibo na ang EO No. 62 ni Pangulong Marcos kung saan ang taripa sa imported rice ay bababa na sa 15% mula sa kasalukuyang 35%.
Pero para sa mga malalaking agri group at asosasyon sa bansa tulad ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), Federation of Free Farmers (FFF), United Broiler Raisers Association Inc. (UBRA) at Magsasaka PL, ilegal ang inilabas na EO ng Pangulo.
Hindi raw umano kasi dumaan sa mga konsultasyon at pagdinig ang naturang kautusan at hindi napakinggan ang magiging epekto nito sa mga magsasaka at local produksiyon ng bansa.
Kaya apela nila ngayon sa Korte Suprema sa pamamagitan ng paghahain ng petition for Certiorari and Prohibition ay magpalabas ito ng Temporary Restraining Order (TRO) sa lalong madaling panahon para pigilan ang implementasyon ng kautusan.
Ayon sa agri groups, talong-talo ang bansa kapag tuluyan nang ibinaba sa 15% ang taripa sa imported na bigas.
Anila pahihinain nito ang koleksyon ng Bureau of Customs (BOC) pagdating sa taripa at wala namang garantiya na bababa ang presyo ng bigas lalo na kung tinaasan na ng mga exporter ang presyo ng kanilang produkto.
Ngayon pa lang umano ay nagtaas na ng presyo ang ilang bansa dahil sa inaasahang malaking aangkatin ng Pilipinas.
“Kasi dapat ngayon harvest ng Thailand at Vietnam, dapat bumaba na ang presyo in which noon narinig nila ‘yong pagbaba ng taripa, hindi na nila binaba ang presyo. Ibig sabihin ang presyo ng daigdigang merkado hindi na bumaba, ‘yon ang nakikita natin na posibleng itinaas pa kasi ang India nagtaas pa at Pakistan. ‘Yong worth kasi ng trade is around 10% lang ‘yan so any increases in volume lalo na kung isang milyon metric tons ang iproprocure ng ating bansa for this year, kung bababa ang taripa, siyempre, itataas ng exporting country. Ang mangyayari niyan ang tariff cut natin ibinigay natin sa foreign farmers kasi ‘yong tariff na dapat ay 35%, ibinaba natin sa 15% and ang ginawa lang ng exporting country itataas nila ang presyo in which ang nawalan ay ang farmers natin dito,” giit ni Rosendo So, Chairman, SINAG.
Ikinakatakot din nila ang pagliit ng local production sakaling mas lumaki pa ang pag-asa ng bansa sa rice import.
Marami umano kasing mga magsasaka ang hindi na gaganahan na magtanim ng palay kung wala naman silang kikitain.
Sa ngayon, bumagal na ang bentahan ng local rice dahil ang mga trader nag-aabang na sa implementasyon ng EO.
Ayon kay Federation of Free Farmes Chairman Leonardo Montemayor, nalulugi na ang mga lokal na magsasaka dahil bumaba na sa P17 at P18 ang farm gate price mula sa P23 kada kilo.
“We expect many farmers will no longer plant rice this coming season, 500, 1000 farmers baka hindi po magtanim, if ever po na magtanim, liliitan po nila ang produksyon, our food security will be at risk,” ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board, Federation of Free Farmers.
Si Argel Joseph Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, nag-alala naman na dahil sa kalagayan ngayon ng mga magsasaka ay lalaki pa ang suicide rate o magpapakamatay sa kanilang hanay.
“Noong Tariffication Law, estimate 70-B ang nalugi sa mga mgasasaka kaya po nag-increase ang suicide rates ng mga magsasaka dahil sa nalugi, wala na silang magawa. Kahit i-determine natin ‘yan sa PSA, dumami ang mga nagpakamatay. Kung babagsak uli ang presyo ng palay tapos bubuhos na naman ang imported na bigas, ang kinakatakot natin baka mag increase na naman ang suicide rates ng mg magsasaka,” ayon naman kay Argel Joseph Cabatbat, Chairman, Magsasaka PL.
Kaya hirit ng mga grupo, maling-mali na umaasa ang Marcos admin sa pag-aangkat at tumaya lamang sa importasyon.
“Yong buong pagkain natin inaasa niyo na sa imported. Mali ‘yon. Ano ang plano ng NEDA for the next 5 years, for the next 10 years Ano ang blueprint into? Ang default solution nila ay mag-import. Napakataas na ng posiyento ng imported rice natin so papaano na ang ating ekonomiya? Papaano na ang mga magsasaka? Hindi po pupuwede. Hindi po makatarungan na iaasa natin ang chance natin sa labas ng bansa. Kailangan maging self-reliant tayo. Maging independent. Hindi man ngayon pero dapat in the next 5 years dapat may malinaw na plano para dito,” ayon naman kay Atty. Virgie Lacsa Suarez, Legal Counsel, SINAG.