Malalaking agri groups, maghahain na ng TRO sa Korte Suprema vs EO 62 sa Huwebes

Malalaking agri groups, maghahain na ng TRO sa Korte Suprema vs EO 62 sa Huwebes

ANG pagdulog sa Korte Suprema ang nakikitang solusyon ng mga grupo ng magsasaka upang pigilan ang implementasyon ng Executive Order 62 o 15% na taripa sa imported products.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) wala pa rin naman daw’ng aksyon ang administrasyong Marcos sa kanilang mga hinaing.

Una na ring sinabi ng grupo na ikakamatay ng sektor ang EO 62 dahil babaha lamang ng imported agricultural products sa merkado.

Dahil diyan, magha-hain na ng Temporary Restraining Order (TRO) ang grupong SINAG, Federation of Free Farmers at United Broiler Raisers Association Incorporated sa Korte bukas ng Huwebes, alas nuebe ng umaga.

Ubos na kasi ang pasensya ng mga nasa sektor dahil binalewala ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Tariff Commission ang konsultasyon na isinasaad ng batas.

‘’Ang problema kasi natin ‘yung Executive Order 62 kasi hindi siya temporary para siyang permanent. Sinasabi nila na may review every 4 months pero ‘yung review process ay NEDA rin. NEDA ang nagpanukala, NEDA rin ang duminig ng prosal, NEDA ang nagdesisyon, NEDA rin ang magre-review. Kayat, wala tayong aasahan,’’ ayon kay Jayson Cainglet Executive Director, SINAG.

Ngayong bumagsak na ang presyo ng palay ay mas nangangamba ang mga magsasaka sa magiging ani sa huling kwarter ng taon.

‘’Bumagsak na sa P17, P18 ang palay mula sa P30. Kaya, laking pangamba ng ating mga magsasaka na by the time na umani tayo sa 4th quarter ay talagang dausdos ‘yung makukuhang nila sa presyo ng palay,’’ saad nito.

Pinabulaanan din ng grupong SINAG ang pahayag ng pamahalaan na bababa ang presyo ng bigas ng P4-P6 sa merkado dahil sa EO 62.

Umaasa na lamang ang grupo na pakikinggan ng Korte Suprema ang kanilang hinaing hinggil dito.

Samantala, isang open letter naman ang ipinaabot ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated kay Pangulong Bongbong Marcos.

Ito ay kaugnay pa rin sa EO 62 na inilabas ng palasyo.

‘’What we are proposing to the President, sina-suggest lang namin for his consideration na mayroon namang existing law sa Republic 88100 ‘yung Special Safeguard Mechanism na kapag ang isang industriya na threaten o posibleng ma-destroy because of importation the Secretary of Agriculture through the Department of Finance can impose a special safeguard duty kung sakali,’’ ani Danilo Fausto President, PCAFI.

Inirekomenda ng PCAFI sa Pangulo ang pag-mobilize ng mga financial resources para sa sektor, pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang direkta nilang mabili ang ani ng mga magsasaka at kooperatiba.

Dagdagan pa ang storage facility ng National Food Authority (NFA) upang marami ang mabiling palay sa mga magsasaka.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble