NAKATAKDANG rebyuhin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang import plan para sa 150,000 metric tons na asukal.
Bago lalagdaan, ay masusi munang ire-review ni Pangulong BBM ang panukalang sugar order.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ang proposed sugar order ay ang importation plan para sa 150,000 metric tons (MT) na asukal.
Dagdag pa ni Cruz-Angeles, parati namang nire-review kung ano ang naangkop na halaga para madetermina ang import quota.
Sa ngayon, saysay ng kalihim, hindi pa natanggap ni Pangulong Marcos ang kopya ng plano sa pag-aangkat ng asukal.
Sinasabing makatutulong ang naturang importation na ma-stabilize ang presyo ng asukal sa merkado.
Una nang inanunsyo ni Pangulong Marcos sa kanyang vlog na plano ng gobyerno na mag-angkat ng asukal sa Oktubre kapag magkulang na ang suplay nito.
Kaugnay nito, target ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na makapag-isyu ng kautusang magpapahintulot na mag-import ng 150,000 MT ng asukal sa kalagitnaan ng Setyembre.
Magugunitang ni-reject ni PBBM ang Sugar Order No. 4 kung saan nakapaloob dito ang planong mag-angkat ng 300,000 MT ng asukal na iginiit naman ng Malakanyang na iligal ang naturang kautusan.
At upang malaman kung artificial o hindi ang umano’y kakulangan ng suplay ng asukal, ay ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagsasagawa ng surprise visits sa mga warehouse sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
BASAHIN: Pamahalaan, posibleng mag-angkat ng 150,000-MT ng asukal sa Oktubre